MANILA, Philippines — Ikinabahala ng isang senador ang sinasapit ng ilang informal settlers matapos i-demolish sa mga lungsod — may tirahan man kasi, daratnan naman daw nilang walang linya ng kuryente, tubig o access sa transportasyon ang mga relokasyon ng gobyerno.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Raffy Tulfo, Lunes, habang nakikipag-usap sa National Housing Authority at Department of Human Settlements and Urban Development.
Related Stories
"May mga reklamo akong natatanggap mula sa mga mahihirap nating mga kababayan na ang mga bahay na pinaglipatan sa kanila ay walang kuryente, walang tubig, hindi maayos ang sewage system, sira-sira ang dingding, tumutulo ang bubong at malamok," sabi ng senador sa isang pahayag.
"Minsan mas mabuti pa nga ang mga tangkal ng mga baboy: may kuryente, may tubig, may tamang ventilation. Ang mga tao sa mga resettlement areas, kawawang-kawawa."
Mungkahi tuloy ni Tulfo na tanggalin na ang praktis ng ilang utility companies na nagre-require ng "minimum number" ng tao sa komunidad bago sila kabitan ng linya ng tubig at kuryente, lalo na't naaargabyado lang daw ang mga residente.
Ilan din daw sa mga estudyante ang kinakailangan pang maglakas ng isa hanggang dalawang kilometro bago man lang makasakay ng pampublikong transportasyon.
Kinilala naman daw ni DHSUD Undersecretary Avelino Tolentino III ang mga isyu, habang sinasabing aarilin nila ang mga existing sites upang matiyak na mabibigyan ng sapat na serbisyo ang mga occupants.
Disente't abot-kayang pabahay, in-city housing
Malugod namang tinanggap ng militanteng urban poor group na KADAMAY ang pagkilala ni Tulfo sa problema ng mga maralita sa relokasyon, bagay na nangyayari raw dahil sa "kawalan ng matinong plano" sa pababahay, kabuhayan at serbisyo sa bansa.
"Sa matagal na panahon, palaging wala pa sa 1% ng kabuuang national budget ang inilalaan ng pamahalaan para sa programang pabahay at suporta sa mga relocatees," ani Mimi Doringo, secretary general ng KADAMAY, sa panayam ng Philstar.com, Martes.
"Bunga rin naman ng kahirapan kaya napipilitan ang mga relocatees na pagkakitaan ang awarded units."
Idiniin din nina Doringo na dumarami ang mahihirap sa lungsod dahil sa pagpapalayas at "landgrabbing" ng ilang negosyante sa mga sakahan para tayuan ng mga subdibisyong 'di kayang tirhan ng mahihirap.
Hinihinkayat ngayon ng KADAMAY si Tulfo na tumulong sa pagsasabatas ng disente, abot-kaya at pangmasang pampublikong pabahay. Mainam din daw na suportahan ng senador ang House Bill 4087 (On-site Development Bill) at HB 4898 (National Minimum Wage bill) na siyang mapapakinabangan ng sektor.
"Kabilang dito ang pagi-institutionalize ng on-site at in-city housing at dagdag national budget para sa pagpapagawa ng public housing at pagsasaayos ng mga relokasyon," saad pa ni Doringo.
"Kagyat din dapat isabatas ang pagkakaroon ng National Minimum Wage na nakabatay sa Family Living Wage na P1,100 kada araw."
Sa ilalim ng Article XIII, Section 10 ng 1987 Constitution, bawal paalisin o wasakin ang pamamahay ng mga maralitang lungsod maliban na lang kung:
- alinsunod sa batas at ginawa sa "makatarungan at makataong paraan"
- nagsagawa na ng sapat na konsultasyon sa mga residente at sa komunidad kung saan sila ililipat
Ilan sa mga daing ng mga urban poor ay ang layo ng mga relokasyon na ibinibigay sa kanila tuwing may demolisyon, na siyang malayo sa kanilang mga trabaho at paaralan ng mga bata.