MANILA, Philippines — Binubusisi ng Department of Agriculture (DA) ang suplay ng pulang sibuyas sa bansa makaraang mapaulat na umabot na sa P300 ang presyo ng kada kilo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista na batay sa kanilang monitoring ay pumapalo na sa halagang P280 ang bentahan ng kada kilo ng red onions at may ilan na nagbebenta sa halagang P300 kada kilo.
Sinabi ni Evangelista na nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Plant Industry para malaman ang ugat ng pagtaas ng halaga ng red onions.
“Hinihintay po natin ang report mula sa Bureau of Plant Industry base sa mga inventories sa mga cold storage facilities,” sabi ni Evangelista.
Wala pa naman anyang plano ang pamahalaan na mag-import ng pulang sibuyas dahil mayroon pa namang aanihing red onions ang mga magsasaka sa bansa sa Disyembre.
Anya, titiyakin ng tanggapan kung ang aanihing mga pulang sibuyas ay makakasapat sa demand ng mamamayan lalo’t nalalapit na ang Kapaskuhan na mahalagang sangkap ito sa mga lutuin.
Niliwanag naman ni Evangelista na sa Kadiwa stores ng pamahalaan ay pumapalo lamang sa P200 ang kada kilo ng red onions.