Paglikha ng trabaho tutukan, ‘di taas sahod
Employers group sa government
MANILA, Philippines — Pinagsabihan ng isang grupo ng employers ang gobyerno na mas tumutok sa paglikha ng dagdag na mga trabaho kaysa pagtataas ng suweldo na mas epektibong paraan para maiahon umano sa hirap ang mga Pilipino.
Sinabi ito ni Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis makaraan ang pahayag ni Association of Democratic Labor Organizations (ADLO) president Duds Gerodias na itinutulak nila ang pagtataas pa ng pambansang “minimum wage”.
Ayon kay Gerodias, na ang “family living wage” na P1,118 na may limang miyembro ay pinag-aralan noong wala pang 7.7% ang inflation rate. Inaasahang nag-iba na umano ito ngayon dahil sa inflation.
Pero ayon kay Ortiz-Luis, kung itataas ang sahod ng mga manggagawa mapupuwersa rin ang mga negosyante sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na magtaas ng presyo ng kanilang produkto at serbisyo.
Bukod pa dito, ang nabibiyayaan lamang umano ng pagtataas ng sahod ay ang mga manggagawa na nasa pormal na sektor na bumubuo lamang sa 10% ng 50 milyong bilang ng mga manggagawa.
Kapag itinaas ang presyo ng mga paninda, maging ang 90% ng labor force na hindi nataasan ng sahod dahil sa nasa impormal na sektor ay magdaragdag din ng gastos.
Hinikayat niya ang pamahalaan na bumuo ng mga inklusibong solusyon sa mga problema sa ekonomiya tulad ng pagbibigay ng ayuda na maging ang mga tao na nasa impormal na sektor ay tinatamaan din.
Bukod pa dito ang paghahanap ng pamahalaan ng mga investors na magreresulta sa dagdag na trabaho para sa mga Pilipino.
- Latest