MANILA, Philippines — Panahon na raw upang i-review ang posibilidad ng dagdag sweldo para sa mga kawani ng gobyerno ayon kay Sen. Ramon "Bong" Revilla, ito habang nananawagan ng umento ang mga manggagawa dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin.
Natataon ang pahayag ni Revilla sa pagtungtong ng inflation rate sa 7.7% nitong Oktubre 2022, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa halos 14 taon.
Related Stories
"Nararapat lamang na tingnan natin muli kung sapat pa ba ang natatanggap ng mga kawani ng ating gobyerno lalo na at tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin," wika ni Revilla, Lunes.
"Sa susunod na taon, last tranche na ng umento sa sahod nila. Kaya naman dapat nating bisitahin at rebisahin muli ito."
Kamakailan lang nang manawagan ang government workers ng P33,000 minimum wage sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), bagay na dapat daw gawin upang mailapit ang sweldo sa "family living wage."
Nobyembre 2022 lang nang sabihin ng IBON Foundation na P1,133/araw o P24,632/buwan ang naestima nilang kailangang sahod para mabuhay nang "disente" ang pamilyang lima ang miyembro.
Pero ayon sa National Wages and Productivity Commission, nasa hanggang P570/araw lang ang minimum wage sa Metro Manila. Ito ang pinakamataas sa Pilipinas.
Una nang hiningi ni Revilla, na chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang komento ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng umento sa sahod.
Tugon ng DBM, kakailanganin ng bata mula sa Konggreso para maitaas ang kasalukuyang bayad sa mga kawani ng goberno.
Kung lalabas daw na "feasible" ang panibagong wage hike, ipapangako raw ni Revilla na maghahain uli siya ng panukalang batas para rito. Matatandaang inakda at sponsor ang senador ng Salary Standardization Law of 2019.
"If tax is the lifeblood of our economy, government workers are the backbone of our bureaucracy," dagdag pa niya.
"Our government is only as strong and effective as the people who work in it. Kaya suportahan natin sila sa pamamagitan ng pagwasto sa sweldo nila na akma at napapanahon."
Una nang inihain ni Revilla ang Senate Bill No. 1406 upang taasan ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na ibinibigay sa government employees.
Ang PERA ay subsido sa lahat ng government workers bilang tulong sa gitna ng kagipitan.
"Unfortunately, with the worsening economic conditions brought about by the COVID-19 pandemic and the skyrocketing prices of basic commodities and gasoline, I believe the current amount at P2,000 is already insufficient and needs to be adjusted," wika pa ni Revilla.
Kung maisasabatas, itataas sa P4,000 ang economic relief allowance mula sa P2,000.