MANILA, Philippines — Itotodo na ng gobyerno ang kanilang anti-illegal drugs advocacy program sa inilunsad nitong BIDA o Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan, na mas pinaigting at mas holistic na kampanya laban sa iligal na droga sa bansa.
Sa ilalim ng BIDA program, makikipagtulungan ang mga local government units (LGUs), national government agencies, at iba pang pangunahing sektor ng lipunan, sa mga drug enforcement agencies kabilang ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya, upang mabawasan ang demand sa iligal na droga at magkaroon ng rehabilitasyon sa mga komunidad.
Isinagawa ang national launching ng programa sa Quezon Memorial Circle sa pangunguna ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., na nagsabing ang problema sa iligal na droga ay dapat na solusyunan mula sa ugat nito.
“Ang kapulisan natin, nandito mga generals, mga colonels, nandito PDEA, Dangerous Drugs Board, NBI, walang ginawa kundi manghuli nang manghuli. Makikita niyo, kaliwa’t kanan ang huli ever since. Pero anong nangyayari? May pumapalit lang kung minsan,” aniya pa. “Kaya ang kailangan natin dito, hindi lang ang panghuli ng ating mga kapulisan, PDEA, NBI. Tulungan ng buong bayan, ugatin natin ang problema.
Aniya, hindi maaaring iasa lamang sa PNP at PDEA ang kampanya laban sa iligal na droga dahil lahat tayo ay apektado dito.
Sinabi pa ni Abalos na ang BIDA program ay makikipagtulungan sa mga barangays, simbahan at religious communities, at mga pamilya upang matugunan ang problema sa iligal na droga at maisailalim sa rehabilitasyon ang mga taong lulong dito.
Ang DSWD at DOH aniya ang tutulong sa kanilang rehabilitation programs habang ang mga church leaders naman aniya ay maaaring magbigay ng gabay sa mga drug addicts at drug pushers na nais magbagong-buhay.
Ang DTI naman ang inaasahang magkakaloob ng programang pangkabuhayan sa kanila habang ang DOLE naman ang tutulong upang makahanap sila ng trabaho.