2 Army athletes wagi sa obstacle races sa Mt. Everest
MANILA, Philippines — Dalawang atleta ng Philippine Army ang naghatid ng karangalan at tagumpay sa bansa matapos ang mga itong magwagi kamakailan sa ‘Altitude Obstacle Course Races (OCR) World Championships’ sa base camp ng Mt. Everest sa Nepal, ang pinakamataas na bundok sa buong mundo.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Col. Xerxes Trinidad, si Staff Sgt. Andrico Mahilum ang nagwagi sa karera ng kanilang laban sa Himalayas matapos na talunin ang mga propesyunal na obstacles athletes mula sa Nepal, India, United Kingdom, Canada, Australia, Greece, South Africa, Poland, Hungary, United States, Spain, Portugal at Brazil sa kategorya ng paligsahan para sa mga kalalakihan.
Samantala si Corporal Ailene Tolentino ay nasungkit naman ang ikatlong puwesto sa Women’s category na napagwagian din ng kapwa Pinoy mula sa Baguio City na si Sandi Abahan.
Ang dalawa ay kapwa tumanggap ng tropeo at medalya sa pagwawagi sa nasabing sports competition.
Ang Altitude OCR ay isang event na ginaganap sa mga matataas na lugar. Ang championship sa nasabing kumpetisyon ay isinagawa sa Nepal mula Nobyembre 21-22 ng taong ito.
Ang mga atleta na lumahok sa 2 linggong kumpetisyon ay umakyat sa mataas na altitude ng Mt. Everest.
Sa nasabing karera ay kailangang maabot ng atleta ang minimum altitude na mas mataas sa sea level na 2,438 metro o 8,000 feet at maximum altitude sa ibabaw ng sea level na 5,500 metro o 18,000 talampakan kung saan may kailangang malagpasang mga obstacles o pagsubok sa nasabing course kung saan ang event ay hinati sa tatlong bahagi.
- Latest