MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nasa Pilipinas na rin ang bagong Omicron subvariant BQ.1 makaraang matuklasan ang 14 kaso nito sa pinakahuling genome sequencing.
Nasa 13 ?sa 14 na samples ay mga lokal na kaso mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Calabarzon, Central Visayas at National Capital Region (NCR).
“What we know so far from this BQ. 1 would be that it is more transmissible and also it is highly immune-evasive compared to other subvariants of Omicron,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Ang pagkakatuklas ay resulta ng genome sequencing na isinagawa mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 18.
Ang BQ.1 ay ikinukunsidera na variant of interest (VOI) ng European Center for Disease Control. May karakter ang BQ.I na binabago ang characteristic ng virus para mas maging nakakahawa, mas malala ang idinudulot na sakit at mas nakakaiwas sa immune system.
Una nang sinabi ng OCTA Research na posibleng nasa bansa na ang BQ.1 at siyang nagdudulot ng nakikitang pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Nagbabala rin siya na maaaring magkaroon ng panibagong wave ng mga kaso lalo na sa NCR dahil sa pagtaas ng positivity rate.
Pero sinabi ni Vergeire na kahit nakikitaan ng pagtaas ng positivity rate sa NCR, hindi ito dapat gamitin bilang tanging batayan ng pagsusuri.
“But as we always say, let us not only use positivity rate when we do our analysis now. Medyo skewed po kasi kapag yung positivity rate because it is affected by a lot of factors,” saad ni Vergeire, na iginiit na pinakamahalagang factor pa rin ngayon ay ang low risk healthcare utilization rate ng bansa.