Bagong Omicron strand pinangangambahan

People arrive to mark All Saints' Day at Manila North Cemetery in Manila on November 1, 2022.
AFP/JAM STA ROSA

MANILA, Philippines — Pinangangambahan ngayon ng OCTA Research Group ang posibleng pagpasok sa bansa ng panibagong COVID-19 Omicron sublineage BQ.1, na nagdudulot ngayon ng pagtaas ng mga ­impeksyon sa Estados Unidos at sa Europa.

“Iniisip namin, it’s just a matter of time baka makapasok din ‘yan dito. Wala pa tayong confirmation from Genome Center,” ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David.

Sa mga naglalabasang ulat, wala pang ebidensya na ang BQ.1 ay nagdudulot ng mas malubhang sakit kumpara sa nagkalat nang BA.4 at BA.5 strand.

Pero nagbabala ang mga health officials ng Europa na maaari nitong mas maiwasan ang natural na immune protection ng katawan base sa isinagawang mga pag-aaral sa laboratoryo sa Asya.

Samantala, nakatakdang magsagawa ang Department of Health (DOH) ng panibagong COVID vaccination drive sa Disyembre para mas mapataas pa ang booster uptake at pagpapabakuna ng mga batang Pilipino.

Ito’y matapos ang ulat na tinatayang P15.6 ­bilyong vaccine doses ang nasayang sa bansa makaraang mag-expire na lamang. 

Sa datos ng DOH, nasa 73.7 milyong Pilipino ang fully vaccinated na, 20.9 milyon pa lang ang nakatatangap ng unang booster shot at 3.5 milyon ang may ikalawang booster shot.

 

 

Show comments