No Contact Apprehension, solusyon sa buhol-buhol na trapik —Think tank

Motorists experience heavy traffic along northbound and southbound lanes of EDSA on October 14, 2022.
STAR/Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Napakalaki ang maitutulong ng No Contact Apprehension Program o NCAP sa iba’t ibang perwisyong nararanasan ng mga commuters sa Metro Manila, ayon kay Stratbase-ADRI chief executive officer Dindo Manhit.

Inihayag ito ng Stratbase executive matapos lumabas sa isang survey na pabor ang karamihan sa mga Pilipino (nasa 80%) sa NCAP at ang mga ito’y naniniwalang epektibo ang programa pagdating sa pagdidisiplina ng mga motorista at pagiging ligtas ng ating mga kalsada.

Ayon kay Manhit, magkakaroon ng disiplina ang mga motorista sa programang no contact apprehension dahil alam ng mga ito na mayroong epektibong surveillance system na nakatutok sa kanila. Mainam na halimbawa aniya ang mga kalsada sa Subic kung saan mahigpit na ipinatutupad ang stop-and-go at sa ilang bahagi ng Skyway 3 kung saan nililimitahan ang bilis ng takbo ng mga sasakyan sa 60kph.

“Alam ng mga motorista na monitored sila, at alam din nila ang kaparusahan sakaling mag-violate sila ng traffic rule sa mga kalsadang ito,” paliwanag ni Manhit. 

Dagdag pa ni Manhit, maaaring mawala na nang tuluyan ang kotong sa kalsada kapag naipatupad nang muli ang NCAP. “Dahil remote lang ang pag-monitor ng traffic violations at hindi kinakailangan ng mga traffic enforcers para manghuli, malaki ang mababawas na corruption at bribery sa ating mga kalsada,” aniya.

Ayon sa Metro Manila Development Authority, ang NCAP ay sinimulan noon pang 1995 at muli lamang ito naging programa sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Maraming lokal na pamahalan ang nagpatupad ng NCAP at karamihan ay nagpatunay sa benepisyo nito sa mga siyudad.

Sa magkahiwalay na pahayag, pinatunayan ni ­Quezon City Mayor Joy Belmonte at Manila Local Government Spokesperson Princess Abante ang malaking bawas sa traffic violations sa kani-kanilang mga lugar simula nang maipatupad ang no contact apprehension policy.

Sinabi ni Belmonte na nagkaroon ng disiplina ang mga motorista dahil sa Quezon City NCAP program at naniniwala siyang “legal and proper” ang implementasyon nito.

Ayon naman kay Abante, naging maayos ang takbo ng trapiko sa Maynila dahil sa NCAP at naging mas ligtas ang mga kalsada hindi lang sa mga motorista kundi pati na rin sa mga pedestrian at cyclists.

 

Show comments