Pulis 'guilty' sa torture, pagtatanim ng ebidensya vs 2 teenager na patay sa drug war
MANILA, Philippines — Nahatulang nagkasala si Patrolman Jefrey Perez sa torture at pagtatanim ng ebidensya laban sa drug war victims na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman noong 2017 — kasong naging kontrobersyal kasabay ng pagkamatay ni kapwa nila teenager na si Kian delos Santos.
Ito ang ibinabang hatol ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 122, ika-10 ng Nobyembre, bagay na ngayong Miyerkules lang isinapubliko ng Public Attorney's Office.
"WHEREFORE, premises considered the accused, PO1 JEFREY S. PEREZ is hereby found GUILTY beyond reasonable doubt for all the crimes charged against him," ayon sa desisyong nilagdaan ni Presiding Judge Rodrigo Pascua Jr.
Dahil dito, haharap si Perez sa mga sumusunod na parusa:
- hanggang apat na taon at dalawang buwang pagkakakulong (torture kay Arnaiz)
- hanggang 40 taong pagkakakulong (torture kay De Guzman)
- dalawang terms ng life imprisonment at habambuhay na disqualification sa public office (pagtatanim ng ebidensya kay Arnaiz)
- hanggang 40 taong pagkakakulong (pagtatanim ng ebidensya kay Arnaiz)
- pagbabayad ng P2 milyong danyos (moral at exemplary damages) sa pamilya ni Arnaiz
- pagbabayad ng P2 milyong danyos (moral at exemplary damages) sa pamilya ni De Guzman)
- interes sa rate na 6% per annum sa lahat ng monetary awards mula sa date of finality ng desisyon hanggang mabayaran
"Moreover, pursuant to Section 18 of Republic Act No. 9745, the victim's heirs, are likewise entitled to claim for compensation as provided under Republic Act No. 7309 for an amount to be [determined] by the government agency concerned," dagdag pa ng desisyon.
Balik-tanaw sa detalye ng insidente
Enero 2018 nang iutos ng Caloocan court ang pag-aresto kay Perez at Ricky Arquilita para sa reklamong murder, torture at pagtatanim ng ebidensya sa dalawang kabataang idinidiin sa iligal na droga.
Kasama sa mga sinasabing itinanim na ebidensya ang dalawang plastic sachets ng marijuana na inilagay sa kanang bulsa ni Arnaiz "kahit inosente." Bukod pa 'yan sa tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu na inilagay sa kanyang back pack.
Niresolba rin ng korte na nagtulungan sina Perez at Aquilita na magtanim ng .38 kalibreng revolver na may bala malapit sa katawan ni Arnaiz "upang pagkmukhaing nakipagbarilan siya" habang nasa hot pursuit operation upang "pagtakpan ang pagpatay."
Sa kabila nito, matatandaang ibinasura ang dalawang charges ng murder dahil sa "lack of jurisdiction." Ang mga kaso ng murder ay sinampa ulit sa Navotas court.
Samantala, hindi na mapaparusahan si Patrolman Arquilita sa kanyang pagkakasala matapos niyang mamatay bago pa magkaroon ng hatol.
Matatandaang naging kontrobersyal ang pagkamatay nina Arnaiz, De Guzman at Delos Santos matapos nilang mamatay noong Agosto 2017 sa gitna ng madugong "war on drugs" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Delos Santos ay menor de edad din sa edad na 17-anyos. Taong 2018 lang nang mapatunayang "guilty" ang tatlong pulis para sa kasong murder dahil sa kanyang pagkamatay.
Itinutulak ng International Criminal Court ang imbestigasyon sa "crimes against humanity" ni Duterte dahil sa mga kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang termino kaugnay ng war on drugs. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest