MANILA, Philippines — Kahit arkipelago ang Pilipinas at napapalibutan ng mga dagat, nakatakda na naman itong mag-angkat ng sanlaksang mga isda galing sa ibang bansa dahil sa ipatutupad na "closed fishing season."
Ito ang sinabi ng special order 1002 na nilagdaan ni Department of Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban nitong Huwebes.
Related Stories
Dahil sa naturang guidelines, nakatakdang mag-angkat ng 25,000 metric tons ng mga sumusunod na niyeluhang isda galing ibang bansa:
- round scad (galunggong)
- bigeye scad
- mackerel
- bonito
- moonfish
Para ito sa mga wet markets habang "closed fishing season" simula ngayong Nobyembre 2022 hanggang Enero 2023.
Ang lahat ng ito ay nangyayari sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siyang epektibong nangunguna sa DA sa ngayon.
'Farm gate prices pabababain ng importasyon'
"Dismayado kami na hindi pa rin natitigil ang importasyon ng isda sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.," wika ng militanteng grupo ng mangingisda na PAMALAKAYA sa isang pahayag, Biyernes.
"Nananatili ang aming posisyon ng pagtutol sa importasyon ng isda, lalo na ang ganitong kalaking volume. Tulad ng dati, lalong babagsak ang farm gate price ng galunggong dahil sa pagbaha ng mga imported sa pamilihan."
Aniya, hindi nasosolusyonan ng pag-aangat ang tumataas na presyo sa pamilihan dahil kontrolado ng mga komersyante ang presyo ng isda.
Napapanahon din daw na itigil ng Pilipinas ang pagsandig sa importasyon lalo na't bagsak na bagsak ang halaga ng piso kontra dolyar (P58.19 = $1), ayon sa pinakabagong tala ang Bankers Association of the Philippines ngayong araw.
"Dahil tiyak na sisirit din ang halaga ng mga inaangkat na produkto, kabilang ang isda," sabi pa ng PAMALAKAYA.
"Tututulan namin ito at patuloy na igigiit sa kasalukuyang administrasyon na palakasin ang sektor ng pangisda sa pamamagitan ng makabuluhang tulong sa produksyon."
Matatandaang Enero 2022 lang nang aprubahan ng DA ang hiwalay na importasyon ng nasa 60,000 metric tons ng isda para sa unang kwarto ng taon bilang upang "matiyak" ang sapat na suplay sa bansa. — James Relativo