MANILA, Philippines — Inulit ni US Vice President Kamala Harris ang pangako ng Amerika na ipagtatanggol ang Pilipinas sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa South China Sea.
Sa pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang, binanggit ni Harris ang 1951 Mutual Defense Treaty na batayan para ipagtanggol ng Amerika ang Pilipinas.
“An armed attack on the Philippines, armed forces, public vessels or aircraft in the South China Sea would invoke US Mutual Defense commitments. And that is an unwavering commitment that we have to the Philippines,” ani Harris kay Marcos.
Ang 1951 Mutual Defense Treaty ang pinakamatagal na defense-pact na naglalayong palakasin ang pakikipagtulungan sa depensa at seguridad sa pagitan ng mga tropang Pilipino at US.
Sinabi rin ni Harris na ang relasyon ng Pilipinas-US ay nakabatay sa mutual commitments sa mga international rules at ang pagtataguyod nito ay magbibigay-daan para sa kaunlaran at seguridad para sa kani-kanilang mga bansa at rehiyon.
“Again, I will reiterate that the alliance between the United States and the Philippines is a strong one and enduring one and only under your leadership continues to be strengthened and we look forward to working with you on many of these issues,” ani Harris.
Personal naman na pinasalamatan ni Marcos Jr. si Harris sa pangako ng Amerika na ipagtanggol ang Pilipinas laban sa anumang armadong pag-atake sa South China Sea.
“And I thank you for the very strong commitment that you have just made for the US to be defensive of the Philippines,” ani Marcos.
Samantala, sinabi ni Harris na inaabangan din niya ang kanyang bilateral na pagpupulong kay Marcos upang talakayin ang mga isyung kapwa nila isinusulong katulad ng climate crisis, clean power at investments sa renewable energy.
Nagpasalamat din si Harris kay Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa delegasyon ng US.
Dumating si Harris sa Pilipinas noong Linggo, ang unang pagbisita sa loob ng limang taon ng isang mataas na opisyal ng Amerika buhat nang bumisita si dating US President Donald Trump sa bansa noong 2017.
Kasama ni Harris ang kanyang asawang si Second Gentleman Doug Emhoff.