Sahod ng 10K OFWs babayaran na ng Saudi Arabia
Regalo kay PBBM sa APEC
MANILA, Philippines — Sasagutin ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman ang nasa P4 bilyong hindi pa nababayarang suweldo ng humigit-kumulang sa 10,000 overseas Filipino workers na nagtrabaho sa construction companies sa Saudi na nagdeklara ng pagkabangkarote noong 2015 at 2016.
Nakuha ni Pangulong Marcos ang “pinakamahusay na regalo” para sa mga OFW ngayong Kapaskuhan sa makasaysayang bilateral meeting niya sa Saudi Crown Prince na siya ring Punong Ministro sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” pahayag ng Pangulo sa anunsyo ng Saudi Arabia.
Ayon sa Pangulo, napag-usapan nila ng Crown Prince ang mga OFW na patungo sa Saudi Arabia at iba pang oportunidad para sa pamumuhunan.
Sinabi ng Pangulo na tiniyak din ng Labor minister ng Saudi Arabia na hindi na ito mauulit sa mga manggagawang Filipino na pupunta sa kaharian.
Ayon sa punong ehekutibo, magkakaroon din ng insurance system para sa mga manggagawa.
“Sila mismo ang magbibigay ng insurance kung sakali man mangyari ulit ‘yan na malugi ‘yung korporasyon na tinatrabahuhan nila at hindi nila makuha ang kanilang sahod, ‘yung insurance ang magbabayad. So marami rin talagang tinutulungan sa atin ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia,” ayon sa Pangulo.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na ang mga construction companies na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016 at hindi nagbayad ng mga manggagawang Filipino ay kinabibilangan ng Saudi OGer, MMG, at Bin Laden group.
“Ang Crown Prince, His Royal Highness, ay nag-anunsyo at sinabi na ito ang kanyang regalo - talagang pinaghandaan niya ito at ito ay isang kasunduan na naabot ng gobyerno ng Saudi ilang araw lamang ang nakalipas,” sabi ni Ople, na tinutugunan ang pahayag ng Pangulo.
“Kaya naglaan sila ng dalawang bilyong Riyal para matulungan ang mga displaced na manggagawa. Kaya ito ay talagang magandang balita at nagpapasalamat kami sa Saudi Arabia,” pahayag ni Ople.
- Latest