MANILA, Philippines — Bahagi ang Bureau of Customs (BOC) sa pagkadiskubre ng bagong modus ng mga sindikato sa dalawang raid na isinagawa sa Ayala, Alabang Village, sa Muntinlupa kaugnay sa pagpupuslit ng chemical precursors sa paggawa ng shabu, sa mas pinaigting na information-sharing sa mga ahensya ng anti-narcotics ng gobyerno.
Sinabi ni BOC Acting Commissioner Yogi Felimon Ruiz, sa pamamagitan ng BOC-Manila International Container Port-Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS), na katuwang sa intelligence build-up at operational planning ay nagresulta sa pag-aresto sa limang katao, kabilang ang isang French, Canadian, at nakumpiska ang halos P150 milyong halaga ng shabu at iba’t ibang Controlled Precursors and Essential Chemicals (CPECs) at laboratory equipment sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City noong Biyernes (Nobyembre 18).
Bagong modus umano ng sindikato ang paggamit ng acetone sa proseso ng liquid form ng shabu upang hindi mangamoy, ayon sa impormasyon na ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang operasyon sa Ayala, Alabang Village, kung saan naaresto ang mga suspek na sina Aurélien Cythere, 41, French national; Mark Anthony Sayarot, 42; Ariana Golesorkhi, 33, Canadian; Audemar Ponsica, 31, driver; at Welmar Laban, 37, helper.
Nabatid na 20 kilo na nagkakahalaga ng P13.6-M ang nakuha sa Mabolo St., habang sa Madrigal St. ay 2 kilo na nasa P13.6-M halaga rin ng finish product ng shabu.
Hindi umano kagaya ng mga nakalipas na pagkadiskubre sa mga shabu laboratories na dahil sa reklamo ng mga katabing residente sa masangsang na amoy kaya natutuklasan at ang iba na nagtatayo naman sa mas liblib na lugar malapit sa mga babuyan upang hindi mahalata.
Sinabi naman ni BOC Deputy Commissioner retired Major General Juvymax Uy noong pang Hunyo 2022 ay nakikipagsanib pwersa ang BOC at PDEA laban sa mga suspek na nagpupuslit ng shabu at cocaine mula sa Australia at patuloy pa rin ang kanilang ugnayan upang labanan ang iligal na droga sa bansa.