MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang 17 local government units sa Metro Manila, at mga pambansang ahensya na responsable sa pamamahala ng trapiko sa kalakhang lungsod na maisakatuparan ang pagpapatupad ng limang taong action plan para mabawasan ang pagsisikip sa Metro Manila, ang sentro ng ekonomiya at negosyo ng bansa.
Sa huling Joint Coordination Committee Meeting, sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na aprubado na ang JICA-funded Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP) para sa Metro Manila.
Saklaw nito ang 12 istratehiya upang masolusyunan ang traffic management issues, kung saan kailangang madaliin ang makumpleto ang pagpapahusay ng 42 traffic bottlenecks na natukoy ng CTMP Project at ang signal systems.
Kailangan ding simulan na ang pagpapabuti sa traffic corridors; mas mahusay na intelligent transportation system (ITS); palakasin ang traffic regulations, ang enforcement, at road safety; pagsulong ng active transportation; at makabuo ng comprehensive traffic management.
Samantala, si Takema Sakamoto, ang punong kinatawan ng JICA Philippines, ay nagpahayag ng kanilang pangako na suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtugon sa pagsisikip ng trapiko sa pamamagitan ng pag-aalok na ibahagi ang mga karanasan ng Japan sa pamamahala ng trapiko, partikular sa ITS, at private-public partnerships.