MANILA, Philippines — Kulang pa rin ang mga hospital beds sa mga pagamutan sa kabila na nabawasan na ang mga kaso ng COVID-19 patients na naoospital.
Sa naging pagtalakay sa budget ng Department of Health (DOH), tinukoy ni Sen. JV Ejercito na sa ilalim ng Universal Health Care Law (UHCL), 1:800 o isang hospital bed sa kada 800 populasyon dapat ang inirerekomenda sa mga public hospitals.
Subalit sa pahayag ng DOH sa pamamagitan ni Sen. Pia Cayetano, hindi naman tayo nalalayo sa mga ASEAN counterpart tulad sa Vietnam na 2.4:1,000 habang ang Pilipinas ay 1:1,000 o isang hospital bed sa kada 1,000 populasyon.
Giit ni Ejercito na sana matugunan sa mga susunod na taon ang kakulangan lalo’t mula ng magpandemya ay naipatupad na ang batas.
Sa 2023 budget, mayroong P315 billion pondo sa UHC Law, mas mataas kumpara sa P263.3 billion ngayong 2022.
Magkagayunman, nais ni Ejercito na masolusyunan ang malaking agwat sa budget lalo pa at sa unang implementasyon nito noong 2020, nasa P171 billion lang ang pondo na dapat ay P247 billion, nangangahulugan na higit pa sana sa P315 billion ang pondo ng UHC sa 2023.