PNP kinastigo sa 'pinaliit' na bilang ng drug-related killings ng Marcos Jr. admin
MANILA, Philippines — Binanatan ng isang human rights group ang "sadyang pagpapaliit" ng gobyerno sa bilang ng mga napatay sa drug operations sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — imbis na 127, nasa 46 lang kasi ang inaamin ng pulis.
Lunes lang kasi nang sabihin ng Philippine National Police na wala pang 50 ang nauutas sa gera kontra droga ni Bongbong, ito habang idinidiin ng pamahalaan na lumalayo na ito sa madugong estilo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"But this is far below the estimate of the University of the Philippines’ Third World Studies Center, whose Dahas program monitors 'drug war' violence," wika ni Phil Robertson, deputy director ng Asia Division ng Human Rights Watch, Biyernes (oras sa Pilipinas).
"The program tallied that 127 people were killed in 'drug war' incidents from July 1, the day after Marcos was sworn in, to November 7."
Una na 'yang pinunto ng militanteng human rights group na Karapatan, bagay na patunay na raw hindi totoong bloodless ang anti-narcotics operations ni Bongbong.
Matatandaang umabot sa 6,252 katao ang namatay sa anti-drug operations simula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2022 bago magtapos ang termino ni Duterte.
Insensitibo rin daw kung maituturing ang pagsabing "very minimal" ang mga namatay kahit na sabin pang totoo ang mga datos ng PNP, lalo na't libu-libo ang namatay at humihingi ng katarungan para sa mga yumao noong nakaraang administrasyon.
"[T]he PNP has been known to manipulate its statistics on extrajudicial killings related to the campaign," sabi pa ni Robertson.
"Research by Human Rights Watch and other human rights groups found that police officers routinely plant evidence such as illegal drugs and weapons on the bodies of victims to try to justify their claims that the person had fought back."
Una nang sinabi ni Bongbong na gusto niyang mag-focus sa "prevention" at "rehabilitation" ng mga nasasangkot sa iligal na droga, ngunit para sa Human Rights Watch, wala raw ebidensyang magpapakitang nagkaroon ng totoong shift. Puno pa rin daw kasi ng abuso, coercion at tumitindi ang stigma sa mga drug users.
Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa working group ng Universal Periodic Review ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council na hindi totoong lumiliit ang civic at media spaces swa Pilipinas, habang idinidiing merong freedom of expression at pagproprotesta.
"Extrajudicial killing is not state policy. Classifying a death that occurred during an anti-illegal drug operation as extra-judicial killing by default runs counter to the tenets of due process and the rule of law," wika niya, habang nadidiin ang Pilipinas sa isyu ng kawalan ng due process sa mga namamatay na drug suspects.
"We will never tolerate the abuse of power and use of force beyond the bounds of law."
Kamakailan lang nang sabihin ng UN Human Rights Committee na dapat makipagtulungan ang Pilipinas sa gustong ikasang investigation ng International Criminal Court patungkol sa aniya'y "crimes against humanity" dulot ng madugong war on drugs ni Duterte. — James Relativo
- Latest