MANILA, Philippines — Simula sa 2023 asahan na ang dagdag bayarin sa kinokonsumong tubig makaraang aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang rate increase na hiniling ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.
Ayon kay MWSS-Regulatory Office chief regulator Patrick Ty, inaprubahan ng ahensiya ang rate rebasing adjustments ng dalawang kumpanya na ipatutupad mula 2023 hanggang 2027. Ang rate adjustments anya ay ginawa makaraan ang serye ng public consultation hinggil dito mula Hulyo hanggang Oktubre ngayong taon.
Ang rate rebasing ay proseso na isinasagawa tuwing ikalimang taon para suriin ang antas ng singil sa water at sewerage services na kailangang mabawi ng water concessionaires kaugnay sa kanilang gastusin sa operasyon at pagpapahusay sa serbisyo.
Una nang hiniling ng Manila Water ang P8.04 per cubic meter ng tubig simula 2023, P5 per cubic meter sa 2024, P3.25 per cubic meter sa 2025, P1.91 hanggang P3.00 per cubic meter sa 2026, at sa pagitan ng P1.05 at P1.08 per cubic meter sa 2027.
Nakalaan umano ang gagawing rate adjustment ng Manila Water para mapondohan ang P180-bilyong operational requirements nila sa susunod na limang taon.
Hiniling naman ng Maynilad ang P3.29 per cubic meter na water rate adjustment simula sa Enero 2023, P6.26 increase sa 2024, P2.12 sa 2025, at P0.84 hanggang higit P1 mula 2026 hanggang 2027.
Ilalaan naman ng Maynilad ang rate adjustment para sa P150-billion expansion plan na ipatutupad sa loob ng susunod na limang taon.
Sinabi ni Ty na ang hakbang ay upang mabigyan ng mataas na kalidad na tubig ang mamamayan, maayos na sanitasyon at sewerage services.