Tumaba noong pandemya, dumami
MANILA, Philippines — Mas maraming Pilipino ang naging “obese” o labis na tumaba sa nakalipas na dalawang taon ngayong pandemya dahil sa pagkaipit sa loob ng mga bahay ng mga tao dahil sa ipinatupad na mga lockdown, ayon sa Department of Health (DOH) kahapon.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na base ito sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), nasa 3.9% ang obesity rate sa mga batang may edad 0-5 taong gulang at 14% sa mga may edad 5-10 taong gulang.
Nasa 10% naman ng mga adults na nasa edad 20-59 ang obese at 6.2% sa mga nasa 60-pataas ang edad. Mayroon din na 11.8% sa kanila ang mga “chronic energy deficiency”.
Dahil sa lockdown, marami ang hindi nagkaroon ng oportunidad na makalabas at makapag-ehersisyo; bata man o matanda. Marami rin ang naipit sa loob ng maliliit na lugar na mahirap magasagawa ng pisikal na aktibidad para maiwasan ang pagiging obese.
Ang obesity umano ay “precursor” sa diabetes, sakit sa puso, stroke at iba-iba pang “non-communicable disease”, saad ni Vergeire.
Dahil sa pagkakulong, naging opsyon na lamang ng tao ang umorder ng pagkain sa pamamagitan ng online. Hindi na rin nasusuri ang kalidad ng pagkain dahil sa marami sa pagkaing nao-order ay pawang mga pagkain ng fastfood.
“Obesity or ang pagiging overweight ng isang bata o ng isang matanda, unang-una makikita natin ‘yan sa choices ng food that we eat,” ayon pa kay Vergeire.
Upang maibalik ang dating timbang, kailangan ng ehersisyo ngayong nagluwag na ang protocols at isabay ang pagsuri at pagpiling mabuti ng pagkain na iwas sa matataas ang calories, matataba at maaalat.
“So kailangan laging healthy po ‘yung pagkain, kailangan ‘yung mga nanay monitoring po ‘yung ating intake ng ating mga bata,” payo pa ni Vergeire.
- Latest