Pulis, bawal mag-leave mula Disyembre 15-Enero 10, 2023
MANILA, Philippines — Hindi maaaring mag-leave o bakasyon ang mga pulis mula Disyembre 15, 2022 hanggang Enero 10, 2023.
Ito ang binigyan diin ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Jean Fajardo kasunod na rin nang nalalapit na holiday season.
Ayon kay Fajardo, kanselado ang leave ng lahat ng mga pulis alinsunod na rin sa kautusan ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., upang masiguro ang maximum deployment ng mga pulis para sa seguridad ngayong Pasko.
Maging ang mga pulis na naka-assign sa administrative duty ay required sa pagsasagawa ng patrol duty para sa paigtingin ang police visibility.
Paliwanag nito, sa ganitong panahon kasi tumataas ang krimen lalo na ang pagnanakaw dahil sinasamantala ng mga kriminal ang pagsa-shopping ng mga tao habang nalalapit ang Pasko.
Samantala, iniulat naman ng PNP na bumaba ang bilang ng mga naiulat na krimen sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre 13 nang 2.66 porsyento.
Batay sa datos, nakapagtala ang kapulisan ng 34,050 index crimes o krimen laban sa mga tao, gaya ng murder, homicide, physical injury, at rape; at crimes against property, gaya ng robbery, theft, at car and motorcycle theft kumpara sa dating 34,982 index crimes.
Aniya, malaking tulong ang ibinibigay ng komunidad upang mapanatili ang crime trend dahil sila mismo ang titingin sa kanilang kaligtasan at seguridad sa tulong naman ng police visibility.
- Latest