MANILA, Philippines — Paiigtingin pa ang visibility ng mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing lansangan ngayong Kapaskuhan upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na palalawigin din ang duty ng mga tauhan ng Traffic Discipline Office ng hanggang alas-12:00 ng hatinggabi bilang tugon sa 11am-11pm adjusted operating hours ng mga malls at shopping center sa Metro Manila.
Pinaalalahanan din ni Artes ang mga traffic enforcer na iwasan ang kumpulan o paggu-grupo-grupo at hindi kinakailangang paggamit ng mga cellular phone habang naka-duty maliban sa pag-uulat ng mga sitwasyon sa trapiko o aksidente sa kanilang mga lugar.
Sinabi rin niya na ang pamamahala sa trapiko ay dapat unahin at ang pag-unawa sa mga simple at magaan na paglabag sa trapiko na maaaring makahadlang sa daloy ng trapiko ay dapat mabawasan kung kinakailangan.
“Our primary duty and priority is to manage traffic first before apprehending erring motorists. We don’t allow the practice of waiting for motorists to violate traffic rules before flagging them down.”
Susubaybayan din ang mga aktibidad ng field personnel sa pamamagitan ng paggamit ng closed circuit television (CCTV) camera na matatagpuan sa MMDA Operations Monitoring and Control Center (Metrobase) upang matiyak na mahigpit na maipapatupad ang patakaran at mga alituntunin sa kanilang hanay.
Samantala, alinsunod sa inilabas na moratorium sa road diggings, inatasan ni Artes ang mga road work contractor na maglagay ng steel plate cover sa lahat ng paghuhukay upang madaanan ito ng mga motorista, maiwasan ang mga aksidente, at matiyak ang maayos na daloy ng trapiko