Dr. Tayag, itinalagang DOH Usec; tax lawyer bagong BIR chief
MANILA, Philippines — Itinalagang bagong undersecretary ng Department of Health (DOH) ang “dancing doctor” na si Dr. Eric Tayag.
Kinumpirma mismo ito ni Tayag sa kabila na hindi pa naglalabas ang Malacañang ng detalye ng kaniyang appointment.
Huling hinawakan ni Tayag na posisyon ang pagiging director ng Knowledge Management and Information Technology Service. Nagsilbi rin na DOH assistant secretary sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino at naging tagapagsalita nito.
Wala pang abiso kung kailan siya manunumpa at anong gawain ang ibibigay sa kaniya.
Nakilala si Tayag bilang “Dancing Asec” dahil gumagamit siya ng sayaw upang pataasin ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Ang pagkakatalaga kay Tayag ay makaraan ang appointment din kay dating PNP Chief retired Gen. Camilo Cascolan bilang undersecretary.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Marcos ang tax lawyer na si Romeo Lumagui Jr. bilang bagong Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner.
Nanumpa na rin kahapon si Lumagui kapalit ni Lilia Guillermo.
Ang bagong BIR chief ay dating deputy commissioner ng nasabing ahensiya.
Ayon sa Palasyo, malawak ang karanasan ni Lumagui sa larangan ng pagbubuwis dahil naitalaga na ito bilang technical assistant to the commissioner, tax fraud head sa iba’t ibang rehiyon at naging bahagi ng project management and implementation service, na nangangasiwa sa modernization program ng BIR.
Pinangunahan din nito ang iba’t ibang task forces para palakasin ang mga koleksyon sa buwis na umabot sa P833.69 milyon, at naging pinuno ng Task Force on Direct Selling/Multi-Level marketing and investment scams na nakapagsalba ng P792.56 milyon sa loob lang ng isang taon. - Malou Escudero
- Latest