'Baon challenge' inilarga para ipakita epekto ng inflation sa mga estudyante

Students arrive for the first day of in-person classes after years-long Covid-19 lockdowns at Pedro Guevara Elementary School in Manila on August 22, 2022.
AFP/Maria Tan

MANILA, Philippines — Upang ipakita ang epekto ng 14-year high inflation rate sa pagkain at gastusin ng mga estudyante, itinulak ng Kabataan party-list ang isang kampanyang planong kumuha sa pansin ng publiko tungkol sa krisis pang-ekonomiya ng bansa.

Ngayong Nobyembre lang nang iulat na umabot sa 7.7% ang inflation rate sa Pilipinas, na siyang pinakamabilis na pagtaas sa presyo ng bilihin simula pa Disyembre 2008.

"Students are encouraged to vlog their school day with TikTok or alternatively take pictures of their usual expenses and post the total cost incurred on their social media accounts and then compare it with their 'baon' pre-pandemic to show how much costs have soared," sabi ng grupo sa isang pahayag, Martes.

"With nearly all public basic education schools offering some form of physical learning, many students hoped that they could save more but the ironic reality, given lack of education-related aid and preparedness for face-to-face classes, is the opposite. Clearly, simply opening 100% of schools is not enough."

 

 

Sa sample na ginawa ng isang estudyante sa kolehiyo pagdating sa nagastos niya sa buong araw, naipakitang halos dumoble ang kanyang kailangang iluwal na pera para makakain (P199) kumpara sa baon lang niyang P100 bago ang COVID-19 pandemic habang nasa senior high school pa lang.

Una nang sinabi ni National Statistician at Civil Registrar General Dennis Mapa na pangunahing nag-ambag sa inflation rate ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain, bagay na lalo raw naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Ang lahat ng ito ay nangyayari kahit na kasama sa mga campaign promises ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maibaba sa P20/kilo ang bigas. Siya ang tumatayong pinuno ng Department of Agriculture sa ngayon.

Oktubre lang nang lumabas sa Pulse Asia survey na 66% ng mga Pilipino ang naniniwalang pagsugpo sa mataas na presyo ng bilihin ang dapat bigyan ni Marcos Jr. ng pinakamabilis na aksyon.

Kamakailan lang din nang sabihin sa isang Social Weather Stations survey na 49% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing "mahirap" ang tingin nila sa kanilang sarili.

Ang mga problemang ito ay nagaganap kasabay ng pagbabalik ng malawakang face-to-face classes sa Pilipinas habang "lumago lalo" ang economic growth nitong second quarter ng taon.

"Thus, this challenge is part of our over-all call for a 100% Ligtas, Abot-kaya at De kalidad na Balik-Eskwela to ensure the future of the next generation," dagdag pa ng Kabataan party-list.

"In line with this campaign, students are also set on holding a unity walk on the 4th celebration of National Students' Day according to R.A. 11369 to amplify this call against the current agenda of the administration to push for the revival of Mandatory ROTC which does not help and bound to worsen the education crisis." — James Relativo

Show comments