DOH iniugnay 'record-breaking' na pagbagsak ng fertility rate sa family planning
MANILA, Philippines — Resulta raw ng matinding family planning at education programs ng gobyerno ang pinakamatinding pagbaba ng fertility rate sa Pilipinas, pagbabahagi ng Department of Health (DOH).
Sa huling pag-aaral kasi ng Philippine Statistics Authority na inilabas nitong Linggo, nasa 1.9 anak ang naitatala kada babae sa Pilipinas ngayong 2022 — na siyang pagbaba sa dating 2.7 anak kada babae noong 2017.
Lunes lang nang sabihin ng Commission on Population and Development NCR na ang pagbagsak ng fertility rates mula 2017 hanggang 2022 ang "sharpest ever recorded" sa kasaysayan ng Pilipinas.
"We can attribute this, of course, doon sa programa ng gobyerno kung saan intensive naman talaga 'yung ating family planning program, especially on awareness... access to services, since this time, 2017 and even before that," wika ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes.
"Dati kasi, siyempre, mas [kaunti] ang informed. Especially 'yung mas bata na mga magpa-partner. They do not practice family planning methods kaya mas madaling mabuntis. Pero ngayon, mas aware na ang ating mga kababayan regarding this."
Ngayong 2022, lumalabas na pinakamarami ang nanganak sa mga babaeng edad 25 hanggang 29 sa nakaraang tatlong taon: nasa 105 births kada 1,000 babae.
Sa kabuuan, bumaba ang fertility sa lahat ng age groups simula pa noong 2008 maliban na lang sa mga nakababa at nakatatanda (15-19 at 45-49).
"Specifically, fertility rates for women aged 20 to 24 years steadily declined from 163 births per 1,000 women in 2008 to 84 births per 1,000 women in 2022. This was also observed in women aged 25 to 44 years," sabi pa ng PSA.
Aabot sa 48.8% ng mga kababaihang kasal na edad 15-49 din ang nagsasabing ayaw na nilang dagdagan pa ang kanilang mga anak.
Nasa 13.9% naman ng kababaihan ang gustong magkaroon ng anak sa susunod na dalawang taon habang 17.4% naman ang nagsabing gusto muna nilang mag-antay ng dalawa pang taon bago mag-anak uli.
"Hence, the Philippines is already below the replacement fertility level of 2.1 children per woman," sabi pa ng ahensya.
"By area of residence, women living in rural areas had slightly higher TFR of 2.2 children per woman as compared to women living in urban areas with 1.7 children per woman."
Marami sa mga Pilipino ngayon ang nagdadalawang-isip o ayaw talagang mag-anak dahil sa hirap ng buhay, lalo na't mababa ang sahod at talamak ang kagutuman.
Teenage pregnancy nabawasan 'pero marami pa rin'
Ikinatuwa naman ng DOH ang biglaang pagbaba ng mga teenagers na nagbubuntis (15-19), ngunit idiniing mataas pa rin ang mga numero kung tutuusin.
"In 2013, it was as high as 13.7%. Although ngayon, it's at 6.8%," wika pa ni Vergeire kanina.
"At tuloy-tuloy po nating ina-address ang problemang ito hindi lang from the Department of Health but also coming from other agencies of government so that we can help our teenagers manage and prevent from having these kinds of pregnancies at their younger age."
Sabi pa ng DOH OIC, dapat pang ipagpatuloy ang mga programa ng gobyerno sa reproductive health lalo na't tumaas din ito ngayong COVID-19 pandemic buhat ng malawakang lockdowns, dahilan para laging magkasama ang mga mag-asawa at umuwi ng Pilipinas ang mga nasa abroad.
Tinatayang nasa 110.44 milyon na ang populasyon ng Pilipinas ngayong araw, ayon sa pinakahuling datos ng Commission on Population and Development.
Kaninang madaling araw lang nang hirangin si Vinice Mabansag ng Delpan, Tondo bilang "symbolic 8 billionth baby" mula sa Pilipinas.
- Latest