MANILA, Philippines (Updated 3:07 p.m.) — In-appoint bilang bagong undersecretary ng Department of Health (DOH) ang epidemiologist at infectious diseases expert na si Dr. Eric Tayag.
Ang balita ay kinumpirma ni Tayag — na kilala sa paggamit ng pagsasayaw sa health-related campaigns bilang dating DOH assistant secretary — sa News5 ngayong Martes.
Related Stories
Kinumpirma na rin ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang media forum kanina ang appointment ni Tayag at napag-alaman daw ito noong Lunes pa.
"He has not taken his oath yet. We are still scheduling so he has not assumed the position yet," ani Vergeire.
"Pinag-uusapan pa ngayon ng aming mga officials kung saan namin siya appropriately, based on his capacity, mai-a-assign para mas makatulong sa ating kagawaran."
Lumabas ang balita halos isang buwan matapos ang kontrobersyal na pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kay dating PNP chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng DOH.
Nangyayari ito habang wala pa ring inilalagay na kalihim ng DOH si Marcos Jr. halos limang buwan matapos umupo sa pwesto. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5