MANILA, Philippines — Inaprubahan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapataw ng P100 excise tax sa kada kilo ng single use plastic bags.
Sa botong 255 pabor, 3 tutol, 3 abstention, pinagtibay ang House Bill 4102 o Single Use Plastic Bags Tax Bill.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, sa oras na maisabatas ang panukala ay makakatulong ito para mabawasan ang paggamit ng plastic bags sa ating bansa na makatutulong para mabawasan ang polusyon.
Tiwala rin ang mambabatas na kapag pinatawan ng excise tax ang plastic ay mas maraming mahihimok na gumamit ng environmental-friendly na alternatibo sa plastic bags.
Ayon kay Salceda, ang Pilipinas ang ikatlo sa largest contributor ng plastic pollution kung saan 2.8 million hanggang 5.5 million metric tons ng plastic wastes ang nakokolekta kada taon.
Ang mga plastic bag naman na itinatapon sa mga daluyan ng tubig ang pangunahing dahilan ng malawakang pagbaha.
Bukod sa masamang epekto sa kapaligiran, health hazard din umano ang plastic dahil ang naturang produkto ay nagtataglay ng cancer-causing chemicals gaya ng BISPHENOL A o BPA.
Kasama sa papatawan ng P100 tax ang mga plastic bags mula sa “place of production” o inilalabas mula sa Bureau of Customs (BOC).
Aabot naman sa P1 bilyon kada taon ang inaasahang revenue sa ipapataw na plastic bags excise tax.