Paglilipat sa Bilibid pinamamadali
MANILA, Philippines— Pinamamadali ni Senator Francis Tolentino ang planong paglilipat ng national penitentiary sa gitna ng sunud-sunod na kontrobersyang kinakaharap ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Tolentino, ang paglipat at pag-decongest sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, lalo na iyong mga high-profile inmates sa loob ng maximum-security compound ay makatutulong sa pagpuksa sa mga organisadong sindikato na kumikilos sa likod ng mga pader ng Bilibid.
“Kung mas ilalayo sila, mainam din na sama-sama rin sila para wala silang contact—wala silang middle man na mauutusan para mag-distribute at walang logistical connection,” ani Tolentino, chairman of the Senate Committee on Justice and Human Rights.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos masangkot ang mga matataas na opisyal ng BuCor at iba pang lider ng gang sa loob ng NBP sa pagpaslang kamakailan sa beteranong mamamahayag na si Percival ‘Percy Lapid’ Mabasa at ang hinihinalang pagpatay sa isa sa sinasabing middlemen sa loob ng maximum-security compound.
Kabilang sa mga potensyal na relocation site na iminungkahi para sa NBP, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ay kinabibilangan ng 10-ektaryang pag-aari ng gobyerno sa Sablayan, Mindoro Occidental at isang bahagi ng Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija.
Sakaling matuloy ang relokasyon ng NBP, ang mga preso mula sa maximum-security compound ay ililipat sa Mindoro site habang ang mga nasa minimum at medium-security compound ay magkakaroon ng kani-kanilang quarter assignment sa nakalaan na lugar sa loob ng Fort Magsaysay.
Binigyang-diin ni Tolentino na magpapatuloy ang mga organisadong sindikato sa NBP sakaling mananatili ang operasyon ng national penitentiary sa loob ng Metro Manila.
- Latest