Bongbong Marcos pinaghihinay sa pangungutang
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng oposisyon sa Senado si Pangulong Bongbong Marcos na maghinay-hinay pagdating sa pag-utang ng bansa.
Sa deliberasyon para sa P5.268 trillion na pondo ng susunod na taon, pinayuhan ni Senator Risa Hontiveros si Pangulong Marcos na umiwas sa pag-utang ng malaki para sa mga proyekto na maaari namang magawan ng paraan ng gobyerno.
Tinukoy ni Hontiveros ang dalawa sa malalaking proyekto ng dating Duterte Administration, na Kaliwa Dam project at ang South Luzon Long Haul Rail Project na kapwa nakabitin ngayon dahil walang kasiguraduhan ang China sa pagpapautang para maisakatuparan ang mga nasabing proyekto.
Sinabi naman ni Hontiveros na ‘blessing in disguise’ na naantala ang proyekto dahil kung hindi ay tiyak na mas malulubog ang bansa sa mga pagkakautang.
Kaya hirit ng senador, huwag tularan ni Pangulong Marcos ang ginawa noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte lalo na ang pagpupumilit na umutang sa China kahit hindi naman kailangan.
Batay sa Bureau of Treasury, ang utang ng bansa ay lumobo na sa P13.5 trillion na lalo pang pinalala ng pagbaba ng halaga ng piso.
- Latest