MANILA, Philippines — Sumang-ayon ang Department of Health (DOH) sa naunang pahayag ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na nalagpasan na ng Pilipinas ang COVID-19 wave dulot ng Ba.4 at Ba.5 Omicron subvariants at pababa na ang mga kasong naitatala sa ngayon.
“I think we started off in June, July, August, kung saan tumataas ang mga kaso at sa tingin natin pababa na ‘yung mga kaso kaya sinasabi ni Dr. Solante, we are past that surge,” saad ni DOH-OIC Maria Rosario Vergeire.
Pumapatag na umano ang mga kaso sa Mindanao, mabagal ngunit patuloy na bumababa naman sa Visayas at tuluy-tuloy ang pagbaba sa National Capital Region at sa Luzon.
Sa pagbabang ito ng mga kaso ng COVID-19, sinabi ni Vergeire na hindi pa rin magbabago ang ipinatutupad na protocols ngayong Kapaskuhan at nanawagan sa publiko na magdesisyon base sa tamang impormasyon na nakakalap nila ukol sa virus.
“Base sa alert level systems natin na halos lahat ng local government units ay nasa Alert Level 1 na, wala tayong restrictions as to age or maybe the capacity kaya tayo ay nagpapaalala na sana tayo na mismo sa sarili magkaroon ng ‘informed decision’ kung kailan tayo pupunta sa isang pagtitipon na maraming tao. Kailangan alam natin kung ano ‘yung mga preventive measures na gagawin natin,” paliwanag niya.
Nitong nakaraang Huwebes, naitala ang mga bagong kaso sa 1,267 at nasa 16,526 ang mga aktibong kaso. Nasa kabuuang 4,014,039 na ang mga kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa mula na mag-umpisa ang pandemya.