Marcos: Bantag, nagtayo ng sariling ‘kaharian’ sa Bilibid
MANILA, Philippines — Nagtatag ng kanyang sariling ‘kaharian’ o teritoryo ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), ayon kay Pangulong Marcos ilang araw matapos ang pagsasampa ng mga kasong murder laban sa una at sa iba pang mga indibidwal dahil sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Marcos na ang mismong prisons chief ng bansa ay iniuugnay sa isang kaso ng pagpatay.
Hinala ni Marcos na nagtayo si Bantag ng sarili niyang “fiefdom” sa kulungan kaya malaya itong nakakakilos at hindi natatakot na maparusahan.
“Of course, that’s terrible. I guess he established his own fiefdom there in the prison. So that’s why he moved with no fear of being punished,” sabi ng Pangulo sa panayam sa kanyang flight papuntang Cambodia noong Miyerkules ng gabi.
Sinuspinde ni Marcos si Bantag ng 90 araw para matiyak ang patas na imbestigasyon sa kaso ni Lapid.
Si Lapid, host ng Lapid Fire ng DWBL 1242 ay binaril sa kanyang sasakyan sa Las Piñas City noong Oktubre 3.
Sinabi ng Pangulo na mananatili ang suspensiyon ni Bantag hanggang ang mga kaso ay maisampa sa korte.
Nauna rito, nagsampa ng dalawang murder raps ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation laban kina Bantag, Senior Supt. Ricardo Zulueta, isang opisyal ng BuCor, at persons deprived of liberty (PDLs) Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Peñaredonda para sa pagkamatay ni Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor, na isa ring PDL sa loob ng NBP.
Sinabi ni Marcos na kumbinsido sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Interior Secretary Benhur Abalos na maaaring si Bantag ang taong nag-utos nang pagpatay kay Lapid.
“I was talking about this to DOJ Secretary Remulla and DILG Abalos and they said – he’s the one who ordered the killing, he’s the one who -- and he’s been doing it in prison. He played God inside the prison. So, we’ll have to look into it further. There might be more cases,” ani Marcos.
- Latest