Gobyerno uutang ng P1.6 trilyong pandagdag sa 2023 budget

Representatives from the Senate, economic managers, officials from the Department of Budget and Management (DBM), and Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), and the National Economic and Development Authority (NEDA) held a budget deliberation at the State Session Hall on Wednesday (November 9, 2022).
STAR/Mong Pintolo

MANILA, Philippines — Uutang ng P1.6 trilyon ang gobyerno para mabuo ang panukalang P5.268 trilyon na pambansang budget sa susunod na taon.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance matapos tanungin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung paano popondohan ang panukalang budget para sa 2023.

Ayon kay Angara, sa gitna ng plenary deliberation tungkol sa national budget, para sa kabuuan ng panukalang pondo sa susunod na taon ang P3.6 trilyon ay manggagaling sa mga buwis at kita ng pamahalaan.

Sa naturang halaga, ang P2.67 trilyon ay inaasahang makokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang P765 bilyon naman ay inaasahang malilikom ng Bureau of Customs (BOC) at ang P168.2  bilyon ay manggagaling sa non-tax revenues.

Magugunita na sa committee hearings para sa panukalang national budget ay iginiit ni Pimentel na lampas P13 trilyon na ang utang ng pamahalaan hanggang nitong nakaraang Agosto.

Dahil dito kaya ayon kay Pimentel, bawat isa sa 109 Filipino ay may pagkakautang na P119,458 kaya dapat maging masinop ang paggamit sa pondo ng bayan.

Lumalabas din na umuutang ang gobyerno hindi lamang para sa mga gastusin ng pamahalaan kundi para ipambayad sa mga principal at tubo sa mga pagkakautang nito.

Show comments