Tindahan ng paputok ‘susuyurin’ ng PNP
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon, magsasagawa ng random inspection ang Philippine National Police(PNP) sa mga manufacturer at dealer ng paputok sa Bulacan.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, layon ng random inspection na matiyak na sumusunod sa mga regulasyon at batas ang mga manufacturer at dealer upang maiwasan ang anumang sakuna.
Ani Fajardo, dapat na maiwasang mangyari ang insidente na nangyari noong nakaraang linggo sa Sito Manggahan, Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria Bulacan kung saan walo ang naiulat na nasugatan. Lumilitaw na walang permit ang GLK Fireworks nang mangyari ang insidente.
Umapela naman si Fajardo sa mga alkalde na tiyaking sumusunod sa regulasyon at kumpleto ang mga dokumento ng mga manufacturer at dealer ng paputok bago isyuhan ng permit.
Nabatid kay Fajardo na 19 permit na ang naibigay na sa mga miyembro ng industriya ng fireworks at pyrotechnics devices, at marami pang aplikasyon ang nasa proseso pa.
Dagdag pa ni Fajardo, maaari namang ipagdiwang ang Pasko at salubungin ang Bagong Taon ng walang fireworks subalit kung hindi maiiwasan kaiangan ang pag-iingat.
- Latest