MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Philippine Pediatric Society (PPS) at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP) ang patuloy na pagsusuot ng face masks ng mga bata habang nasa loob ng mga paaralan para maiwasan na mahawa sila ng COVID-19 at hindi magkaroon ng seryosong mga kumplikasyon.
Ikinatwiran ni PIDSP president Dr. Fatima Gimenez na ang mga bata na nasa edad apat na taong gulang pababa ay hindi pa pinapayagang makatanggap ng COVID-19 vaccines habang primary vaccines pa lamang ang ibinibigay sa mga nasa edad 5-11, at unang booster dose pa lang sa mga nasa 12-taon pataas.
Sinabi niya na mayroong kundisyon sa mga dinapuan ng COVID-19 at nakarekober na tinatawag na MIS-C o “multisystem inflammatory syndrome” na may masamang epekto sa bata partikular sa puso at sa respiratory system.
Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, mayroong 3,939 adolescent o edad 12-17 ang dinapuan ng COVID-19 mula Setyembre 1 hanggang Nobyembre 3.
Sa kabila nito, ipatutupad naman ng DepEd ang Department Order 48, na ginagawang boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor ng mga paaralan base na rin sa Executive Order No. 7 ng Malacañang para sa optional face masks.
Ngunit paalala ng PPS at PIDSP na ang pagsusuot pa rin ng face mask habang nasa face-to-face classes ang pinakamabisang paraan laban sa pagkahawa ng virus lalo na sa mga bata na hindi pa nababakunahan.