MANILA, Philippines — Malapit nang pumatak sa 160 katao ang namamatay sa nagdaang Severe Tropical Storm Paeng, ayon sa pinakabagong tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Huwebes.
Ang mga nabanggit na nasawi ay bahagi lang ng nasa 4,840,956 residenteng nasalanta ng nagdaang bagyo, na isa sa mga pinakamalaking sakunang kinaharap ng admnistrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa ngayon:
- patay: 158
- sugatan: 142
- nawawala: 34
- nasa loob ng evacuation centers: 45,606
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers: 445,423
Lahat ng 17 rehiyon ng Pilipinas ay may apektadong populasyon, kung saan may mga nasawi buhat ng malawakang mga baha, pagguho ng lupa atbp.
Aabot na sa P4.51 bilyong halaga ang napipinsala ng sama ng panahon sa sektor ng imprastruktura, maliban pa sa nasa 53,210 kabahayang "partially" at "totally" damaged.
Bukod pa riyan ang nasa P2.98 bilyong halaga ng pinsala sa mga pananim atbp. produkto sa sektor ng agrikultura, bagay na nakasagasa sa kabuhayan ng nasa 81,866 magsasaka't mangingisdang sumasaklaw sa 92,253.865 ektarya.
"A total of 522 cities/municipalities were declared under the State of Calamity," sambit pa ng konseho, dahilan para magpatupad ng automatic price control sa mga batayang pangangailangan sa mga naturang lugar.
Una nang nagpatupad si Bongbong ng state of calamity sa Bicol, Western Visayas, CALABARZON at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Bilang tugon, aabot na sa P212.56 milyong halagang tulong na ang naibibigay sa mga apektadong residente sa porma ng pinansyal na ayuda, pagkain, hygiene kits, atbp.