Operasyon ng malls sa Metro Manila hanggang 11 p.m. simula next week

File photo shows vehicles stuck in traffic along the southbound lane of EDSA in Cubao, Quezon City on April 18.

MANILA, Philippines — Iuusog hanggang isang oras bago maghatingggabi ang operasyon ng shopping malls sa Metro Manila simula susunod na linggo mahigit isang buwan bago ang Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ito ang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Martes, dahilan para gawing 11 a.m. hanggang 11 p.m. ang operating hours ng mga naturang pamilihan.

Magiging epektibo ito simula ika-14 ng Nobyembre, 2022 hanggang ika-6 ng Enero, 2023 alinsunod sa ilalabas na memorandum ng MMDA.

Maaaring bawiin ang nabanggit sa mas maagang panahon depende sa sikip ng daloy ng mga sasakyan.

Inabisuhan din ang mall operators na sabihan ang MMDA dalawang linggo bago ito, at hihingian din ng kani-kanilang "traffic plans" kung sakaling gustuhin nilang magpatupad ng mall-wide sales.

Papayagan lang ang mall-wide sales tuwing Sabado at Linggo.

Ipapatupad ang naturang adjusted mall hours sa lahat ng mall sa Kamaynilaan at hindi lang sa kahabaan ng EDSA.

Taong 2021 lang din nang magpatupad ng ganitong adjustment sa operating hours ng malls matapos ang malawakang lockdowns dulot ng COVID-19.

Una nang sinabi ng otoridad na nasa 50,000 sasakyan ang posibleng dumagdag sa mga kalsada ng Metro Manila ngayong Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre. — may mga ulat mula sa News5

Show comments