MANILA, Philippines — Nasa 97.5% na ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang matagumpay nang nakabalik sa limang araw na full face-to-face classes.
Ito ang iniulat kahapon ni Department of Education (DepEd) spokesperson Atty. Michael Poa sa isang pulong balitaan.
Ayon kay Poa, ang 2.36% ng public schools ay pinahintulutang magdaos ng blended learning kabilang dito ang mga apektado ng bagyong Paeng.
Nasa 324 paaralan ang nagtamo ng infrastructure damage dahil kay Paeng habang 435 paaralan ang ginagamit pa ring evacuation centers.
Tiniyak pa ni Poa na nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa local government units upang maihanap nang paglilipatan ang mga evacuees upang makabalik na sa eskuwela ang mga mag-aaral.
Matatandaang base sa kautusan ng DepEd, lahat ng pampublikong paaralan ay iminamandato nang magdaos ng limang araw na face-to-face classes simula Nobyembre 2.
Ang mga pribadong paaralan naman ay pinahintulutang mamili kung nais ng mga ito na magdaos ng limang araw na face-to-face classes, blended learning, o full distance learning.