Ang artikulong ito ay prinoduce sa pakikipagtulungan sa Pulitzer Center
MANILA, Philippines — Magdadalawang-taon na mula noong inilagay sa foster care ang tatlong anak na lalaki ni Amelia*.
Gusto man niya makita ang mga ito, hindi niya magawa dala nang kakulangan sa pera. “Yung lambing nila, yung mga yakap nila… Hindi ko na maramdaman,” sabi nung 28-taon-gulang na ina.
Related Stories
Kabilang ang kuwento ni Amelia sa libo-libong mga Filipinang kinailangang ibigay ang kanilang anak sa foster care, para magkaroon ng mas magandang buhay ang mga ito. Mas marami pa ang hindi pinalad: Kinailangan nilang iwan o ipaampon nang tuluyan ang kanilang mga anak.
Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, mayroong 1,999 inabandona, at 3,344 na napabayaang mga kabataang Filipino mula 2016 hanggang 2021.
Habang ang pamilya ay nananatiling pinakamainam na kapiling ng isang bata, ayon kay rehistradong child psychologist Aileen Sison, hindi lahat ng pamilya at magulang ay kayang tugunan ang aruga at suportang kinakailangan ng mga bata—tulad na lang ni Amelia.
Dalawang taon makaraan, sinaksak si Amelia ng kaniyang asawa noon na si Danilo* sa dibdib at likod dahil sa selos. “50-50 ako noon. Hindi ko alam paano ako nabuhay.”
Gawa ng kaniyang mga sugat, hindi siya makapagtrabaho bilang tagahugas sa fish port malapit sa kanilang tinitirhan sa Smokey Mountain sa Tondo.
Matapos maospital, pumila si Amelia upang makatanggap ng ayudang nagkakahalagang P8,000, isang subsidyo mula sa gobyerno sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP, na ibinibigay sa mga Filipinong nawalan ng ikinabubuhay nitong pandemya.
Sa kasamaang palad, hindi pa rin sapat ang halagang ito, at hirap pa rin makakuha ng trabaho noong mga panahong iyon. “Nagpunta ako sa palengke, pero walang tumanggap sa akin,” sabi ni Amelia, na wala pa ring trabaho hanggang sa ngayon.
Ayon muli sa datos ng DSWD, maraming biyolohikal na mga magulang ang napipilitang isuko ang kanilang mga anak sa alternative parental care gaya ng foster care—o abandunahin ang mga ito nang tuluyan—dahil sa lubos na kahirapan, single parenthood, o abuso.
Sa kaso ni Amelia, hindi panibago ang karahasan ng kaniyang asawa patungo sa kaniya. Nagsimula ang lahat nang ipanganak niya ang kanilang panganay.
Inakusahan siya ni Danilo ng pakikiapid, at madalas din siyang bugbugin. Mag-iiinom din ito habang maiiwan ang paglilinis ng bahay, trabaho, at pag-aalaga ng anak kay Amelia.
Ang paulit-ulit na pang-aabuso sa kababaihan ay matagal nang nakikita ni Charity Graff sa mga kasong kaniyang hinahawakan. Si Graff ay executive director ng Gentle Hands, isang pribadong childcare agency.
“Hindi naman sa hanap lang ng mga babae ay seks. Ito ay para mabuhay sila: ‘Kaya mo akong bigyan [ng pagkain, tirahan]’. Dahil hindi sila marunong mag-birth control, nabubuntis sila. Ang mga sanggol ay hindi ipinanganak sa isang mapagmahal na relasyon, kaya madali para sa kanila na iwan ang bata,” saad ni Graff sa Ingles.
Sa huli, tanging ang mga bata ang naaapektuhan.
‘Safety nets’ mula sa pamahalaan
Habang nananatiling problema ang gender-based violence at child abandonment, isang tanong na hinahanapan ng sagot ay kung ano ang ginagawa ng pamahalaan.
Mayroon namang mga safety net—tulad ng ‘Pantawid Pamilyang Pilipino Program’ o 4P’s—na kaya sanang makatulong upang maiwasan ang sitwasyon ni Amelia.
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2015, ang pagkakaroon ng 4P’s ay nagresulta sa “napagbuting edukasyon at kalusugan” ng mga nakatanggap nito, at ang programa ay “nakatulong sa pagbawas sa kahirapan sa pambansang saklaw.”
Ang 4P’s ay para sana sa “poorest of the poor”, ngunit mahirap makapasok dito, at hindi lahat ay puwedeng maging benepisyaryo.
Upang makatanggap ng ayuda, kinakailangang nasa preschool o elementarya 85% ng oras ang mga anak ni Amelia, at kinakailangan nilang magkaroon ng check up at mga bakuna—mga kwalipikasyong hindi posible para sa kagaya ni Amelia na laging nagtatrabaho.
Malinaw naman ang larawang inilalathala ng datos mula sa Center for Women’s Resources. Ayon sa kanilang 2020 na datos, mayroong 19.54 milyon na mga Filipina na “economically insecure”, at ang mga kababaihan mula sa impormal na ekonomiya ay “patuloy na nakararanas ng kakulangan sa proteksyong panlipunan, at pinakamahina laban sa pang-aabuso.”
Ang tulong mula sa lokal na pamahalaan (LGU) ay maaari sanang naging sagot upang hindi isuko ng mga magulang ang kanilang mga anak, sabi ng social worker na si Carol Lara, isang beterana sa social work sa loob ng tatlong dekada.
“Ang una kasi diyan, ang LGU; bago mo eventually dalhin sa’min ang bata, nag-explore ka rin on your own. Alamin mo anong sitwasyon ng family. Baka puwede mong i-capacitate ang family o relative,” saad ni Lara.
Pagbibigay ng seminar, o pagpondo ng kabuhayan ng magulang, habang sinisigurong may makabuluhang pagbabago sa panlipunan at pang-ekonomiyang aspeto ng buhay ng mga magulang, ang mga interbensyong puwedeng gawin ng LGU.
Sa kaso ni Amelia, kung sana’y natugunan agad ng mga lokal na opisyal ang pang-aabuso ng kaniyang asawa sa kaniya, hindi sana siya malalagay sa alanganin.
Ngunit ang sagot ng LGU sa mga pagkakataong nagsumbong si Amelia ay tugunan daw nila ito mag-isa, dahil away mag-asawa lamang ito.
Pag-asang magsasamang muli
“Mag-de-December na. Sa December, gusto ko kumpleto [kami], kasi magpa-Pasko. Christmas naman talaga magandang kumpleto ang pamilya, kaysa hiwalay.
Habang hindi perpekto ang pagkakawalay niya mula sa mga anak, naniniwala si Amelia na ito ang pinakamainam na desisyon para sa kanila.
“Nagvi-video call kami, 'pag puwede sila,” sabi ni Amelia.
“Si Derek*, dating bubuhol-buhol ngayon dire-diretso na magsalita. Si Daniel* naman mag-no-nosebleed ka na. Marunong na siya mag-english. Sabi ko, ‘Ang galing nitong batang ‘to, ah.”
Ang tanging hadlang sa kaniya ay paano sila kukuning muli.
Matatag ang loob ni Amelia na hindi niya ipapaampon ang kaniyang mga anak. Ngunit habang tumatagal siyang walang trabaho, mas tumatagal din ang pagkawalay ng kaniyang mga anak sa kaniya.
“Kahit makuha ko ang dalawa sa tatlo kong anak, masaya na ako.”
--
*Pinalitan ang pangalan ng mga subject para sa kanilang kaligtasan.