Nasalanta ni 'Paeng' sumampa sa 4.12 milyon, kabilang ang 154 nasawi
MANILA, Philippines — Sumipa na sa 4.12 milyong residente ang naapektuhan ng nagdaang Severe Tropical Storm Paeng, kabilang diyan ang nasa 154 kataong nasawi sa bagyo ayon sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa huling situation report ng konseho, Biyernes, kabilang sa mga nabanggit ang sumusunod:
- patay (154)
- sugatan (128)
- nawawala (35)
- apektado (4,124,267)
- lumikas na mga evacuation centers (123,024)
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers (911,226)
Kaliwa't kanan ang mga landslide, baha atbp. na siyang nagdulot ng pagkawala ng buhay at kabuhayan nang marami mula Luzon hanggang Mindanao.
"A total of 25,109 damaged houses are reported in Region 1, Region 2, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 7, Region 8, Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, CARAGA, BARMM, CAR," sabi ng NDRRMC.
Aabot na sa P2.7 bilyong halaga ang napinsala ng naturang bagyo sa agrikultura, na siyang nakaapekto sa halos 73,000 magsasaka at mangingisda, na siyang sumasaklaw sa lagpas 77,600 ektarya.
Halos P3 bilyong halaga naman ang napinsala sa imprastruktura sa ngayon.
Una nang nagdeklara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng state of calamity sa rehiyon ng CALABARZON, Bikol, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dahilan para magpatupad sa mga lugar na 'yon ng automatic price control. Kung susumahin, 437 lungsod at bayan na ang nasa ilalim nito, ayon sa NDRRMC.
Nasa P149.97 milyong halaga ng tulong naman na ang naiabot sa mga apektadong residente sa porma ng ayudang pinansyal, family food packs, hygiene kits atbp.
Nakapagtalaga naman na ang gobyerno ng nasa 1,083 search, rescue and retrieval teams na siyang nanggaling sa militar, kapulisan, mga bumbero, coast guard atbp.
Ang bagyong Paeng ang ika-16 bagyong pumasok sa Philippine area of responsibility, na siyang nagdulot ng pinakamalaking pinsala sa buhay at ari-arian ng mga Pinoy ngayong 2022.
Una nang sinabi ng geographer na si Timothy John Cirpriano na kinakailangan ng mas matinding disaster risk impact assessment sa mga baranggay at munisipalidad. Bukod pa riyan ang pangangailangan ng probabilistic risk assessment na nagsi-simulate sa mga darating na sakuna at ang pinakamalalalang pwedeng mangyari.
- Latest