Patay kay ‘Paeng’ umakyat na sa 150
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 150 katao ang iniulat na nasawi bunsod ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, 94 sa mga ito ang kumpirmado kung saan 63 ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 28 sa Western Visayas at tatlo mula sa Soccsksargen.
Sumasailalim naman sa validation ang 56 pang patay na mula naman sa Calabarzon, 33; Eastern Visayas, 5; Zamboanga Peninsula, 4; Mimaropa, 3 at tig-2 sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol at Central Visayas habang tig-isa sa Western Visayas, Soccsksargen at Cordillera Region.
Nasa 126 naman ang bilang ng mga nasaktan at 36 katao pa ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon pa sa NDRRMC, may 3,963,555 indibidwal o 1,131,409 pamilya ang apektado ng bagyong Paeng.
Samantala, mayroon namang 12,968 mga tirahan ang partially damaged at 2,194 totally damaged habang umaabot na sa P2.8 bilyon ang halaga ng danyos sa imprastraktura.
Lumilitaw din sa datos ng NDRRMC na P2.4 bilyon ang pinsala ni ‘Paeng’ sa agrikultura kung saan Bicol Region ang napuruhan na umabot sa P860 milyon na sinundan ng Calabarzon, P604 milyon; Central Luzon P443 milyon at Western Visayas, P376 milyon.
Ang mga nasalanta ay kinabibilangan ng pananim, palaisdaan at mga makinarya o kagamitan.
- Latest