Utang ng Pinas, lumobo sa P13.52 trilyon

Ayon sa datos ng Bureau of Treasury, tumaas ng 3.8% ang utang ng bansa mula sa P13.021 trillion na utang sa pagtatapos ng Agosto.
Philstar.com/Irish Lising

MANILA, Philippines — Lumobo na sa record-high na P13.52 trillion ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Setyembre.

Ayon sa datos ng Bureau of Treasury, tumaas ng 3.8% ang utang ng bansa mula sa P13.021 trillion na utang sa pagtatapos ng Agosto.

Sinabi ng BTr na ang pagtaas ng debt level ay bunsod ng pagbaba ng halaga ng piso kontra US dollar.

Ang kabuuang utang ay umabot sa P13.52 trilyon noong Setyembre, na mas mataas ng P495.54 bilyon kumpara sa P13.02 trilyon noong Agosto, ayon sa Treasury.

Mula sa kabuuang “debt stock”, 31.2 porsyento o P4.22 trilyon ang mula sa labas ng bansa habang 68.6 porsyento o P9.30 trilyon ay domestic borrowings, ayon pa sa datos.

Nakasaad din sa inilabas na statement na ang pagtaas sa antas ng panlabas na utang ay dahil sa P179.69 bilyon na epekto ng pagbaba ng halaga ng lokal na pera laban sa USD.

Sa pagtatapos ng Agosto, ang piso ay nasa P56.171 ang halaga kontra sa $1 at P58.646 noong Setyembre.

Bumaba ang piso sa record low na P59 noong Oktubre bago bumaba sa humigit-kumulang P58 hanggang $1 level nitong mga nakaraang linggo.

Inaasahan ng mga analyst ang pagpasok ng mga remittances at business process outsourcing (BPO) receipts sa fourth quarter upang pansamantalang suportahan ang piso.

Gayunpaman, ang “75-basis point interest rate hike” ng US Federal Reserve noong Nob. 2 ay nakikitang magpapalakas sa dollar rally na maaaring magresulta sa karagdagang pagbaba ng iba pang mga currency kabilang ang piso.

Show comments