Nasawi sa bagyong 'Paeng' sumirit sa 150 — NDRRMC
MANILA, Philippines — Umakyat pa lalo ang bilang ng mga yumao dulot ng nagdaang Severe Tropical Storm Paeng, habang pinaabot na nito ang pinsala sa imprastruktura sa P2.83 bilyon mula sa pinagsama-samang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ito ang ibinalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Huwebes, matapos ilagay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga rehiyon ng CALABARZON, Bicol, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa state of calamity.
Narito ang breakdown ng ng 3.93 milyong residenteng nasalanta ng naturang sama ng panahon:
- patay: 150
- sugatan: 128
- nawawala: 36
- apektado: 3,963,555
- lumikas sa evacuation centers: 173,957
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers: 1,038,344
Marami sa mga nasawi ay dulot ng pagkalunod sa baha, pagguho ng lupa atbp. Pumalo naman na sa 15,162 kabahayan ang napinsala ng bagyo.
Samantala, umabot na sa P2.44 milyong halaga na rin ang nasira ng bagyo pagdating sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto sa 59,831 magsasaka at mangingisdang sumasaklaw sa higit 69,000 ektarya.
"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to P2,833,910,844.5 was reported in Region 1, Region 2, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 7, Region 10, Region 11, Region 12, CAR," sabi pa ng NDRRMC.
Nagdeklara na tuloy ng state of calamity sa mahigit 292 lungsod at munisipalidad. Dahil diyan, magpapatupad ng automatic price controls sa mga batayang pangangailangan at bilihin sa mga naturang lugar.
Nakapamahagi naman na ng P136.84 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong residente sa porma ng pera, family food packs, hygiene kits atbp.
Nakapagtalaga na ng 1,083 search, rescue and retrieval teams ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, MMDA, Davao-DRG at READI-BARMM sa ngayon. — James Relativo
- Latest