MANILA, Philippines — Nakatakda na ring ipatupad ng Department of Education (DepEd) sa mga silid-aralan ang boluntaryong pagsusuot ng face mask laban sa COVID-19.
Kasunod ito nang kautusang inilabas ng Malacañang noong nakaraang linggo na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor spaces.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, maglalabas sila ng amendatory department order (DO) hinggil dito.
“We will follow [Executive Order No.] 7 and issue an amendatory [department order],” pahayag ni Poa nitong Martes.
Una nang inaprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor areas, sa gitna nang patuloy na banta ng COVID-19.
Ngayong araw naman, Nobyembre 2, ipatutupad na sa mga public schools ang limang araw na face-to-face classes, alinsunod sa kautusan ng DepEd, maliban sa mga paaralang sinalanta ng bagyong Paeng, gayundin ang ginagamit pa bilang evacuation centers.
Ang mga private schools naman ay una nang pinahintulutan ng DepEd na magdaos ng blended learning, full face-to-face classes o full online learning.