'Epektibo agad': DepEd inaprubahan boluntaryong face masks sa loob ng classroom
MANILA, Philippines — Maaaari nang hindi magsuot ng face masks ang mga estudyante sa loob ng kani-kanilang mga silid-aralan laban sa COVID-19, ito kasunod ng ipinatupad ng Executive Order 7 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang kinumpirma ni Department of Education spokesperson Michael Poe, Martes, matapos tanungin ng media.
"We will follow [Executive Order No.] 7 and issue an amendatory [department order]," ani Poa kanina.
"Schools may immediately implement optional masking indoors."
Puwede nang ipatupad sa loob ng mga eskuwelahan ang opsiyonal na pagsusuot ng face mask alinsunod sa Executive Order 7, ayon kay Education Spokesperson Atty. Michael Poa. #News5 pic.twitter.com/qoH0rYnOdL
— News5 (@News5PH) November 1, 2022
Ika-28 lang ng Oktubre nang aprubahan ni Bongbong ang nasabing E.O., bagay na tumatapos sa lagpas dalawang taong obligatory mask mandates sa indoor settings.
Bagama't boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor spaces, obligado pa rin ang lahat na magsuot nito sa mga healthcare facilities, medical transport vehicles at pampublikong transportasyon.
Sa kabila nito, ineengganyo pa rin ng EO 7 ang mga sumusunod na magsuot ng face masks:
- nakatatanda
- mga may comorbidities
- immunocompromised individuals
- buntis
- hindi pa bakunado laban sa COVID-19
- mga indibidwal na may sintomas ng COVID-19
Hinihingian pa ng reporters ang Department of Health (DOH) ng reaksyon patungkol dito ngunit hindi pa rin sila tumutugon.
Inilabas ng DepEd ang naturang pahayag kahit na nakarating na ng Pilipinas ang mas nakahawang Omicron XBB subvariant at XBC variant ng COVID-19.
Una nang sinabi ng Kagawaran ng Kalusugan na posibleng umabot sa 18,000 araw-araw ang bagong kaso ng COVID-19 bago magtapos ang taon kaugnay ng pagluluwag ng face mask requirements.
Sa huling taya ng DOH, aabot na sa lagpas 4 milyon ang nahahawa ng COVID-19 simula nang makapasok ito ng bansa noong 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 64,074 katao. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5
- Latest