MANILA, Philippines — Hindi na lang programa sa telebisyon at mga pelikula ang gustong ipasailalim ni Sen. Sherwin Gatchalian sa kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) — pati na ang video games, bill boards, LED signs atbp.
Ito mismo ang isinusulong ngayon ng senador sa kanyang Senate Bill 1063, bagay na binansagang Video and Online Games and Outdoor Media Regulation Act. Plano nitong amyendahan ang Presidential Decree No. 1986 na gumawa sa MTRCB.
"Habang patuloy na nagbabago at lumalawak ang paggamit natin sa teknolohiya, dapat din nating tiyakin na nabibigyan ng kaukulang proteksyon at paggabay ang ating mga kabataan, lalo na mula sa mga hindi magagandang impluwensya at epektong maaaring idulot ng mga teknolohiyang ito," ani Gatchalian sa isang pahayag, Lunes.
Kung maisasabatas, bibigyan ng MTRCB ng mga sumusunod na rating ang video games:
- "G" o For General Patronage (pwede sa lahat ng edad)
- "P" o Parental Guidance Suggested
- "R" o Restricted (para lang sa may edad)
- "X" o Not for Public Viewing
Aniya, lumabas sa gaming statistics noong 2020 na pinalago ng 43 milyong gamers ang naturang industriya sa Pilipinas at Southeast Asia. Ang nabanggit ay sinasabing gumastos ng mahigit $572 nopong 2019.
Wika ng senador, itinuturing na ngayon ang Pilipinas bilang ika-25 na pinakamalaking market ng video game revenues. Ito rin daw ang may pinakamalaking ambag sa games market ng Timogsilangang Asya sa naturang taon.
Layon din daw "ipagbawal" ng SB 1063 ni Gatchalian ang mga pagbebenta ng anumang video game na may rating na "Adults Only" mula sa MTRCB. Pagbabawalan din ang mga menor de edad na bumili at tumanggap ng mga larong may ganoong rating.
Babawalan din ang paggamit ng anumang pekeng ebidensya ng edad upang mabili ang mga naturang laro. Dapat din daw ay malinaw ang rating sa packaging ng kahit anong video game at kahit anong printed o digital publicity material na gagamitin sa Pilipinas.
Maliban sa mga laro, inirerekomenda rin ngayon ni Gatchalian na isailalim din sa MTRCB pati ang outdoor media, kabilang ang mga advertising signs, Light Emitting Diode (LED) signs and billboards, ground signs, roof signs, at sign infrastructures.
Kasalukuyang meron nang umiiral na rating systems ang mga video games sa pamamagitan ng ESRB (Canada at Estados Unidos), PEGI (para sa European Union maliban sa Germany at Russia), atbp. — James Relativo