MANILA, Philippines — Ikinabahala ng human rights groups ang Executive Order 22 ni Apayao Gov. Elias Bulut Jr. na planong magbigay ng P1 milyong pabuya sa mga makapapatay ng "high-ranking" na komunista — bagay na posibleng ikadamay daw kahit ng mga ligal na aktibistang nire-red tag.
Ika-30 ng Setyembre nang pirmahan ni Bulut ang utos, bagay na magbibigay ng P100,000 cash reward sa sinumang makakahuli o makapapatay ng rebeldeng komunista sa mga operasyong militar. Aabot sa P1 milyon ang pabuya kung mataas ang ranggo ng nabanggit. Walang sinabi sa E.O. na New People's Army member ang dapat targetin.
Related Stories
"It gives the go-signal for anyone to arbitrarily attack and kill political activists who have been repeatedly threatened and red-tagged, and be paid handsomely for it," wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay, Martes.
"Is it just a coincidence that last October 25, Lorraine Badoy and the other talking heads of NTF-ELCAC recited the names of members and community leaders of the Cordillera Peoples Alliance (CPA) as ‘mga pangalan ng CPP-NPA’ on their program aired over the SMNI network?"
Ika-26 lang ng Oktubre nang kundinahin ng CPA sina Badoy, na siyang ipinapa-contempt sa Supreme Court dahil sa pag-red tag at pagbabanta sa buhay ng isang hukom, matapos bansagang miyembro ng CPP-NPA ang ilan nilang miyembro.
Ang pag-uugnay sa mga ligal na aktibista sa armadong rebelyon ay ginawa sa SMNI, na siyang pagmamay-ari ni Apollo Quiboloy na siyang wanted sa Estados Unidos para sa kaso ng human trafficking.
Ayon pa kay Palabay, posibleng sine-"set up" ng E.O. 22 para sa papatinding pananakot, pag-aresto at pagpatay ang mga pinuno ng CPA kasama na ang mga aktibista sa Kordilyera.
Marami nang insidente kung saan napapatay ang mga aktibistang iniuugnay sa NPA, ito kahit walang kaso korte at wala naman sa mga engkwentro ang mga nabanggit na kritiko.
"With incessant red-tagging and this latest bounty offer, the State has cranked up its deadly campaign to suppress human rights defenders and other activists working for people’s rights and welfare," sabi pa ng human rights activist.
"All freedom-loving Filipinos must forge ranks to counter these virulent and stepped-up attacks on our civil and political rights."
'Kill order' vs rebelde
Kapansin-pansing walang sinabi sa E.O. na NPA member ang dapat mahuli, maaresto o mapatay. Binanggit lang ni Bulut na dapat ay miyembro ng "Communist Terrorist Group" ang nabanggit.
Ito'y kahit ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyong ideklarang terorista at iligal ang Communist Party of the Philippines at NPA. Dahil dito, kinikilala sila ng korte bilang rebolusyonaryo at hindi terorista.
"Fund for cash rewards shall be charged to the annual budget of the Provincial Governor's Office under Awards and and Rewards Account," ani Bulit sa order.
"This Order is effective immediately."
Ang lahat ng ito ay nangyayari ngayong epektibo ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020, bagay na nababatikos dahil sa pangamba na mata-target kahit ang mga karaniwang kritiko ng gobyerno.
Taong 1992 lang nang ideklarang ligal na grupo ang CPP matapos ma-repeal ang Anti-Subversion Law.