MANILA, Philippines — Nasa 48 katao ang nasawi habang tinatayang halos isang milyong residente ang naapektuhan ng bagyong Paeng, ayon sa pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.
Nabatid na sa bilang ng mga namatay, 40 ang naiulat sa Bangsamoro region, tatlo sa Soccsksargen, tig dalawa sa Western at Eastern Visayas at isa sa Bicol region.
Ayon sa NDRRMC, naapektuhan din ang nasa 32,077 indibidwal sa 2,445 barangay sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nawasak naman ng bagyo ang bahay ng 168,453 residente na pawang nananatili pa rin sa 2,125 na evacuation center.
Binanggit ng NDRRMC, hindi madaanan ang 147 kalsada at 53 na tulay sa buong bansa matapos mapinsala ng bagyo.
Umabot na rin sa 379 insidente ng pagbaha sa buong bansa, bukod pa sa naitalang 60 na landslides, at anim na flash flood.
Halos P55 milyon ang naitalang pinsala ng Department of Agriculture sa sektor ng agrikultura sa Western Visayas at Soccsksargen.
Sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tinatahak na ng bagyo ang West Philippine Sea palayo ng bansa.
Umabot din sa 714 kabahayan ang nawasak habang 147 kalye at 53 tulay ang hindi madaanan.