Walang Pinoy na nadamay - DFA
MANILA, Philippines — Walang Pinoy na iniulat na nasaktan sa stampede sa kasagsagan ng Halloween celebration sa Seoul, South Korea nitong Sabado ng gabi, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“The Embassy is closely monitoring the situation and is in coordination with local authorities in case any Filipino national has been affected. To date the Embassy has yet to receive reports of any Filipino victim in the stampede,” ani DFA spokesperson Teresita Diaz.
Sa pinakahuling ulat, hindi bababa sa 151 katao ang namatay at tinatayang mahigit sa 150 ang nasugatan nang maganap ang stampede sa malaking pulutong ng mga dumalo na nagsiksikan at nagkatulakan sa isang eskinita, sa bahagi ng Itaewon District ng Seoul.
Sa ulat ng Reuters, ipinapakita ang social media footage na daan-daang mga tao ang nagkukumpulan sa isang makitid na slope o pataas na bahagi na nadaganan at hindi na makakilos habang hinihila ng emergency officials at mga pulis.
Marami sa sugatan ang nasa malubhang kondisyon habang binibigyan ng paunang lunas.
Sa mga nasawi, dalawa ang foreign nationals habang may 15 iba pa ang dinala sa pagamutan.
Nagdeklara na rin ng national mourning ang Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol at nagpahayag ng pakikiramay sa mga biktima, ayon sa ulat ng Reuters.
Sa ulat pa rin ng Reuters, karamihan sa mga namatay ay teenagers at young adults na nasa 20s. Naganap ang trahedya dakong alas-10:20 ng gabi ng Oktubre 30, 2022.
Nabatid na mistulang nasabik sa nasabing okasyon ang mga tao dahil hindi muna nagkaroon ng katulad na event sa nakalipas na 3 taon sanhi ng mga restrictions kaugnay sa COVID-19 pandemic.