Bilang ng nag-aaplay sa dual citizenship sa US, tumaas
MANILA, Philippines — Tumataas ang bilang ng mga Pilipino na nasa Estados Unidos na nag-aaplay ng dual citizenship dahil sa planong magretiro sa Pilipinas, ayon sa isang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Washington.
Sinabi ni Philippine Consul General to Washington Iric Arribas, umakyat sa 1,536 noong 2019 mula sa 1,009 noong 2016 ang nag-aaplay ng dual citizenship.
Bumaba ito sa 653 sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19 nitong 2020 ngunit muling umakyat sa 2,653 ng 2021. Ngayong Setyembre 2022, umakyat na sa 2,183 ang aplikasyon na kanilang natatanggap.
Nangunguna sa mga dahilan ng pagtaas ng aplikasyon ay ang pagnanais ng ilang Pilipino na US citizen na magretiro sa Pilipinas, o kaya naman ay ang oportunidad na makapagbakasyon sa Pilipinas ng mas mahabang panahon. Ang iba naman ay mas sentimental, katulad ng dahilan na mahal pa rin nila ang Pilipinas at Pilipino pa rin sila sa kanilang puso.
Sa kasalukuyan, ang isang Pilipino na klasipikadong balikbayan ay maaari lamang manatili ng Pilipinas ng isang taon at kung nais na mapalawig ito ay kailangang mag-aplay pa sa Bureau of Immigration.
Malaki rin umano ang epekto ng COVID-19 pandemic sa pagtaas ng aplikasyon dahil sa pagiging requirement ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magkaroon ng Philippine passport para makabiyahe sa Pilipinas.
“Some of them applied for dual citizenship a week after applying for US citizenship,” ayon kay Arribas.
Ngunit pinayuhan ni Arribas ang mga Pinoy sa Amerika na nais ng “dual citizenship” na pag-isipan muna itong mabuti.
“When reacquiring Filipino citizenship, hindi ka parang bumibili ng patis o toyo sa palengke,” saad ni Arribas.
“It’s a personal decision. It’s demand-driven. Once they are ready, we accept their application,” dagdag pa niya.
- Latest