MANILA, Philippines — Umakyat na sa 31 katao ang iniulat na namatay sa flashflood at landslide sa Maguindanao bunsod ng bagyong Paeng.
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, 16 ang nasawi mula sa Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu Blah T. Sinsuat at lima sa Upi.
Pito naman ang sinasabing nawawala sa Datu Blah.
Ayon pa kay Sinarimbo, inilikas ang mga katutubo matapos ma-washed out ang isang komunidad sa Barangay Kusiong na nasa paanan ng Mount Minandar sa Datu Odin Sinsuat.
“Natabunan daw yung buong mga bahay nila, yung community mismo,” ani Sinarimbo.
Patuloy ang rescue operation sa Barangay Pura.
Samantala, patuloy na nararanasan ang pagbaha sa Cotabato City na umabot na sa mga bubungan ng mga bahay.
Ilan pa sa mga apektado ng bagyo ay ang Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Dati Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan at Guindulungan.
Bunsod nito, nagdeploy na ng rescue teams ang local na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Batay sa pinakahuling PAGASA bulletin, namataan si Paeng sa layong 220 kilometro east northeast ng Borongan City, Eastern Samar, o 305 km east ng Catarman, Northern Samar na may lakas na hangin na 75 km per hour at bugso na 90 kph.
Patuloy ang pagkilos ni Paeng hanggang Linggo kung saan magla-landfall ito sa east coast sa Quezon at Polillo Islands.