EO sa boluntaryong pagsusuot ng face mask inilabas na
MANILA, Philippines — Inilabas na ng Malacañang ang Executive Order No. 7 na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor at indoor settings.
Ang EO ay nilagdaan para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Nakasaad sa kautusan na bagaman at boluntaryo na lamang ang pagsusuuot ng face mask sa loob at sa labas ng mga gusali o tahanan, hinihikayat pa rin na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng minimum public health standards habang nasa ilalim pa ng state of public emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakasaad din sa EO na nasa 73.5 milyon indibiduwal na ang kumpleto ang bakuna sa bansa sa pinakahuling data noong Oktubre 26, 2022 at nasa 20.5 milyon naman ang mayroon ng booster doses.
Binanggit din sa EO na dahil sa patuloy na pagbabakuna laban sa COVID-19, ang mga bansa sa mundo ay naglatag na ng mga measures katulad ng pagbubukas ng international borders, relaxation ng health at safety protocols at requirements na nagresulta sa positibong impact sa kanilang ekonomiya.
“Whereas, a policy of voluntary wearing of face masks in both indoor and outdoor settings is a positive step towards normalization, and a welcome development that would encourage activities and boost efforts toward the full reopening of the economy,” nakasaad sa EO.
Bagaman at boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor at indoor spaces, kailangan pa rin itong isuot sa mga healthcare facilities katulad ng clinics, hospitals, laboratories, nursing homes at dialysis clinic ; medical transport vehicles katulad ng ambulansiya at paramedic rescue vehicle at sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon sa land, air at karagatan.
Hinihikayat ding magsuot ng face mask ang mga elderly, mga may comorbidities, immunocompromised individuals, mga buntis, walang bakuna laban sa COVID-19 at mga may sintomas ng sakit.
Aatasan din ang lahat ng mga local government units na magsumite ng regular na report ng kanilang vaccinations status sa Department of Health.
Ang kautusan ay agad na epektibong ipatutupad sa sandaling mai-publish sa Official Gazette o mga pahayagan.
- Latest